PITONG Pilipino at 13 dayuhan ang sasabak sa ONE Fighting Championship (ONE FC): Moment of Truth bukas ng gabi sa SM Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City.
Pangungunahan ni Team Lakay striker Honorio Banario ang kampanya ng mga Pinoy sa hangarin nitong mabawi ang ONE FC featherweight world championship mula kay Koji Oishi ng Japan sa main event ng premyadong mixed martial arts organization na kinatatampukan ng 10 kapana-panabik na labanan.
“This is the moment I have been waiting for. After my defeat to Oishi last May, nothing has occupied my mind except to reclaim my belt,” sabi ni Banario na determinadong maagaw ang korona kay Oishi.
Si Oishi, na isang beterano sa loob ng ring, ay natalo lamang ng isang beses sa 14 laro at kabilang sa kanyang panalo ay ang nakakagulat na pagwawagi niya kay Banario noong Mayo.
Ang co-main event ay katatampukan ng laban ni Kevin Belingon sa walang talo na si David Aranda Santacana ng Spain sa bantamweight division.
Si Belingon, na isa ring Team Lakay fighter na hangad ding makabawi matapos matalo noong Mayo, ay siguradong mapapalaban naman kay Santacana, na hindi pa natatalo sa siyam na laban kabilang ang walong panalo sa pamamagitan ng submission.
Ang isa pang miyembro ng Team Lakay at dating Southeast Asia wushu gold medalist na si Eduard Folayang ay makakatapat naman ang Dutch-Indonesian shooto veteran na si Vincent Latoel.
Si Folayang ay masusubukan ang husay kay Latoel na isang bihasang kickboxer.