Liliwanag ang Pasko

JUST when I thought that everything is returning back to normal, I had to think again! Matapos ang halos limang buwang anxiety dahil sa pagkawala ng aking paningin ay para bang ibinalik ang dating sigla ng buhay ko.

Nakapagtrabaho akong muli sa telebisyon, nakapagsulat sa website, naibalik ang mga dating pitak dito sa Bandera at iba pa.
Nakita ko ring isinilang ang aking apong si Wolfgang Zachary noong September 6.

Aba’y muntik na nga kaming maging magka-birthday. Lumampas lang ng dalawang araw ang pagsisilang ng aking panganay na si Illuminada!

Pero okay na rin iyon. Kasi, dalawa na kami  sa pamilyang September ang tapat ng birthday! May kakampi na ako.
Nasaksihan ko rin ang pag-iisang dibdib ng anak kong si Sabrina at ng long-time sweetheart niyang si Kirk noong September 20. Tuwang-tuwa ako sa aking speech noong reception.

Nasabi ko sa kanilang naiinggit ako dahil sa simbahan kaagad sila ikinasal. Hindi tulad naming mag-asawa na sa judge muna at pagkatapos ay mass wedding sa unang taon.

Pagkatapos lang ng 30 taon bago kami nakapagpaksal na  kaming dalawa lang sa simbahan. Nasabi ko rin sa kanila na hindi ko akalaing makikita ko pa ang kasalan nila kasi nabulag na nga ako pero milagrong nakakita muli.

Siyempre, sa puntong iyon ay looking forward ako sa susunod kong apo na isisilang ni Sabrina sa isang taon. Anupa’t everything was rosy at that point.

Katunayan, towards the end of November, aba’y inihalal pa akong presidente ng PBA Press Corps. Kaya ko bang gampanan ‘to? Iyan ang tanong ko sa mga kasama kong sportswriters na nagko-cover ng PBA.

Tiwala naman silang magagampanan ko ito dahil minsan na rin naman akong naging pangulo ng Sports Communicators Organization of the Philippines (SCOOP).

Itinakda namin ang Christmas party namin sa December 16 at kinakausap ko na ang ilang inaasahang makakatulong. Noong isang linggo ay kinausap rin ako ng TV5 at sinabing muli akong uupo sa radio panel ng PBA sa buwan na ito.

Kasi nga, okay na ang aking paningin. Hay naku! Some good things never last talaga! Nang gumising ako noong Sabado ng umaga ay mayroong malaking pulang kiti-kiti akong nakitang lumulutang sa aking kanang mata.

Kinusot-kusot ko ang mata ko sa pag-asang mawawala. Pero matagal bago nawala.  Hayun! Yung paningin ko sa kanan ang nawala!  At lumabo ang kaliwang mata ko.

Bigla akong naguluhan at nabahala. Paano na lahat ang mga plano ko sa PBAPC? Paano na ang pagbabalik ko sa Radyo PBA? Paano na ang Pasko na sana ay ipagdiriwang ko kasama ng mga anak ko’t apo?

Balik na naman sa dilim lahat? Mabuti na lang at hindi total darkness dahil kahit paano’y may nakikita pa ako sa kaliwang mata ko. Here’s hoping for brightness come Christmas.

Read more...