Kasabay ng pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo nito, muling magsasama ang Star Cinema at ang Regal Films sa darating na holiday season.
Pinagsama ng dalawang higanteng film companies ang hottest young stars sa bansa ngayon sa “Pagpag, Siyam Na Buhay”, ang pinakamalaki at pinakanakakatakot na pelikula ng taon.
Ang “Pagpag” na pagbibidahan nina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Paolo Avelino, Shaina Magdayao at Clarence Delgado kasama sina Matet de Leon, Dominic Roque, Miles Ocampo, CJ Navato, Michelle Vito, Janus Del Prado, at Marvin Yap mula sa direksyon ni Frasco Mortiz.
Ang subtitle ng pelikula, ang “Siyam Na Buhay” ay kumakatawan sa 9 na pamahiin na kunektado sa kamatayan at mga burol na siyang pinapaniwalaan at sinusunod ng maraming Pilipino hanggang sa mga araw na ito.
May kasabihan na maaaring humantong sa labis na kamalasan ang mangyayari sa sino mang lalabag sa alin man sa mga 9 na paniniwalang ito.
Ang mga paniniwalang ito ay: bawal hindi magpagpag pagkatapos ng lamay; bawal magwalis sa burol; bawal magpatak ng luha sa ataul; bawal manalamin sa burol; bawal mag-uwi ng pagkain mula sa burol; bawal pumunta sa burol kapag may sugat; bawal punasan ang luha sa ataul; bawal nakawin ang abuloy sa burol at bawal maghatid sa mga nakilamay.
Sa “Pagpag”, kahindik-hindik na mga pangyayari ang magaganap sa di inaasahang pagbisita nina Cedric (Daniel) at ng kanyang mga kaibigan sa isang burol na inayos ni Leni (Kathryn).
Ang bawat miyembro ng grupo ay lalabag sa mga paniniwala at kasabihan. Di namamalayan nina Cedric at Leni na nag-uwi pala sila ng masama at mapaghiganting espiritu.
Magtutulungan sina Cedric at Lani sa pagasang matatalo nila ang mga kababalaghang na kanilang kinakalaban. Ngunit parami ng parami ang mga napapahamak nawawalan na sila ng mga paraan upang iligtas ang kanilang pamilya at mga kaibigan.
“Sobrang nakakatakot po ang ‘Pagpag’ pero sa likod ng nakakakilabot na istorya nito ay ang mensahe na ang pagmamahal at pagsasakripisyo para pamilya ang pinakamalakas na puwersa sa lahat,” ani Daniel.
Ayon naman kay Kathryn, bukod sa pagiging isang suspense-thriller, adventure movie din ang Pagpag na tiyak na magugustuhan ng lahat, “Pinapakita po ng pelikula namin ang age-old conflict ng mabuti laban sa masama at napaka-exciting pong makita ang paglalakbay ng aming mga karakter.
Makikita po natin kung magwawagi kami o hindi.” Ipapalabas ang “Pagpag, Siyam Na Buhay” sa mga sinehan sa buong bansa simula sa darating na Dis. 25 bilang entry sa MMFF 2013.
Sa isang interview, todo puri ang direktor ng movie na si Frasco Mortiz kina Daniel at Kathryn, “Siyempre makikita mo kung gaano sila ka-close together, alam na nila ‘yung gagawin nila, alam na nila ‘yung kiliti ng bawat isa pag may eksena.
Pero siyempre hindi kami titigil hanggang hindi nila nabibigay ang hinihiningi namin siyempre ‘yun lang ‘yung problem pag may ka-loveteam ka for the longest time, ano nagiging at home ka, parang ang dating siyempre parang si Kath din ‘yung kausap mo parang hindi ‘yung character.
“So ‘yun ang binabantayan namin kasi ang hirap nu’ng iba ang role mo tapos biglang bukas iba na naman ang role mo, balik ka na naman, ‘yun ang binabantayan namin so thankfully naman nagagawa naman nila ‘yung hinihingi namin sa kanila,” anang direktor.
( Photo credit to Google )