Pacman napapahiya lang dahil sa kadaldalan ni Mommy Dionisia
Buti naman at natuto nang pumreno sa pagbibitiw ng mga salita si Mommy Dionisia Pacquiao. Kung gaano siya katigas magdadakdak ilang araw na ang nakararaan, ngayon ay hindi na siya ganu’n kung magbanta, mababa na ang kanyang boses ngayon.
Siguro’y may nakapagpayo kay Mommy Dionisia, pati na rin kay Pacman, na huwag na silang sagot nang sagot at akusa nang akusa sa BIR dahil isang araw ay mapapahiya lang sila.
Meron sigurong nakapagsabi sa kanila na hindi matatapos ang problemang ito sa kadadaldal lang, ang kailangan nilang ilabas ay ebidensiyang nagbayad nga ng buwis sa Amerika si Congressman Manny Pacquiao, para ang ahensiya naman ang mapahiya sa kanilang mga akusasyon sa Pambansang Kamao.
‘Yun naman kasi talaga ang pinakatama, tumutok sila sa pinagtatalunang isyu, gumawa sila ng paraan para ang mga sinasabi ng pamunuan ng BIR ay kabaligtaran pala ng totoong pangyayari.
Sabi ng isang kaibigan namin, “Sana lang, hindi na nakikisali pa sa issue si Mommy Dionisia. Oo, ipinagtatanggol lang niya ang anak niya na feeling niya ngayon, e, pinag-iinitan ng gobyerno, nandu’n na tayo.
“Pero hanggang du’n na lang sana ‘yun, huwag na sanang nangunguwestiyon pa si Mommy D tungkol sa legality ng isyung pinagtatalunan, dahil kapos siya ng kaalaman tungkol du’n.
“Tama na ang kasasabi ng karma, huwag na rin niyang isinasangkalan ang pangalan ng Diyos, sabihan na lang sana ni Mommy D si Pacman na maglabas ng ebidensiya para matapos na ang gulo.
“Nakakatawa na kasi siya, hindi ba niya nararamdaman na pinagtatawanan na siya ng mga kababayan natin? Anak niya tuloy ang napapahiya, ang pinagtatawanan, si Mommy D talaga!” naiiritang komento ng aming kausap.
Tama. Du’n na lang sana sila tumoon sa kung ano ang isyu, huwag na nilang inililihis ‘yun, kung A ang pinag-uusapan ay huwag sanang dinadala ‘yun ng ina ni Pacman sa B. At lalong hindi sa C. Para matuldukan na ang kuwento.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.