NIETES, SABILLO HINDI ISUSUKO ANG KORONA

DONNIE NIETES

HINDI hahayaan nina Donnie Nietes at Merlito Sabillo na mapahiya sila sa harap ng mga kababayan nang tiyakin ang inaasahang tagumpay sa pagdepensa sa hawak na mga titulo sa Pinoy Pride XXIII bukas ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

“Nag-train hard tayo para sa laban at go for knockout ako,” wika ni Nietes na makakasukatan ang dating World Boxing Organization minimumweight champion Sammy “Guty” Gutierrez ng Mexico na siyang main event ng paboksing na handog ng ALA Boxing Promotions katuwang ang ABS-CBN.

Ang mga boksingerong kasama sa boxing card ay humarap sa mga mamamahayag para sa huling press conference kahapon sa Gloria Maris sa Gateway sa Cubao, Quezon City.

Galing ang WBO light flyweight champion na si Nietes sa majority draw laban kay Moises Fuentes noong Marso na ginawa sa Cebu at ito ang gusto niyang tabunan sa pag-asinta ng magandang panalo sa beteranong si Gutierrez.

“Pumapasok din sa isipan ko at nakapagbigay ng aral sa akin din iyon. Dadagdagan ko pa ang ipinakita ko noon para maging maganda ang resulta ng laban ko ngayon,” wika pa ni Nietes.

Mandatory title defense naman ang gagawin ni Sabillo sa hawak na WBO mininumweight title laban sa wala pang talong si Carlos “Chocorroncito” Buitrago ng Nicaragua at kahit kinilala niyang mahusay na kalaban ay buo rin ang paniniwalang mapagtatagumpayan ang haharaping labanan.

“Magaling siya kaya hindi puwede magkumpiyansa. Kaya pinag-igihan sa ensayo para sa bakbakan may ibubuga tayo,” ani Sabillo.

Makakatulong din para lalong maging inspirado sa ring ang mga panalo nina Nonito Donaire Jr. at Manny Pacquiao sa kanilang naging laban nitong buwan.

Tinalo ni Donaire sa pamamagitan ng ninth round TKO si Vic Darchinyan habang si Pacquiao ay humirit ng unanimous decision panalo kontra kay Brandon Rios noong Linggo lamang.

“Masayang-masaya kami sa panalo nina Pacquiao at Donaire at ganadong-ganado kami na manalo rin sa aming mga laban,” wika ni ni Nietes.

Hindi naman nagpahuli kung paghahayag ng paniniwalang nananalo sa bakbakan sina Gutierrez at Buitrago.

“The Philippines and Mexico have rich boxing rivalries. I am happy to fight here and I’ve been treated well. But I am going to bring the title home,” wika ni Gutierrez sa pamamagitan ng interpreter.

Read more...