DAHIL sa dami ng nagpahayag ng suporta at awa kay Manny Pacquiao, nagbara kahapon ang cell phone ng “Mula sa bayan” ng kolum na ito. Galit ang ipinadama sa gobyerno ng masa na nagmamahal kay Pacquiao. Nagkaisa, sa wakas, ang nahating fans, na nais siyang bumalik sa pagka-Katoliko at ang pabor sa kanyang piniling sekta. Matitindi ang galit at kung ilalathala natin ay baka mas lalong mapasama pa si Pacquiao. May usapin na kasi sa korte ang kasong buwis ni Pacquiao.
Para kay Pacquiao at ilang miyembro ng kanyang pamilya, may bahid politika ang panggigipit. Balik-tanaw: ikinampanya ni Pacquiao si Manny Villar bilang pangulo. Sa isang TV ad, sinabi ni Pacquiao na, “meron dyan, laban nang laban, wala namag nagawa.” Nang manalo si Noynoy Aquino, agad na nag-courtesy call si Pacquiao sa kahahalal na pangulo sa bahay ng pamilya sa Times st., Quezon City. Simula noon, araw-araw na pinadadalhan ni Pacquiao sa pamamagitan ng text message ng Bible quotes si Aquino. Hanggang sa sagutin ni Aquino si Pacquiao: ‘wag ka nang magpadala. May Bible din ako sa bahay.” *** Hindi na raw matutuloy ang courtesy call ni Paquiao sa Malacanang. Kung matutuloy man, isasama ni Pacquiao ang kanyang nanay at hindi si Jinkee, na buntis.
Dapat ipagbawal na ang privilege speech ng mga politiko kung ang tema ay para lamang banatan o gantihan ang kanilang personal na kaaway na kapwa rin nila politiko. Matagal nang nangyayari ito sa Senado, tulad ng bangayan noon nina Lacson at Estrada. Ginagamit ng mga pulpol na senador ang pera ng taumbayan, ng arawang obrero.
Nag-text sa “Mula sa bayan” ang UST student na si …6788. Hinoldap siya pagkatapos mag-withdraw sa ATM sa Espana alas-2 ng hapon. Hindi siya tinulungan ng traffic enforcer na kanyang unang nilapitan nang makita na malalaki ang mga suspek na pa-patakas sakay ng motorsiklong “For Registration.” Hindi na rin nagreklamo sa presinto ang estudyante, na natangayan ng P1,000 dahil hinahabol niya ang kanyang klase. Ganitong mga klase ng krimen ang hindi na iniuulat sa pulisya. Araw-gabi ay nagaganap ang holdapan sa jeepney at UV Express sa Maynila.
Pero, hindi na nagsasampa ng reklamo ang mga biktima kung hindi naman malaking pera at mamahaling cell phone ang natangay sa kanila. Ang University Belt ay kayang bantayan ng mga pulis at pinatunayan na iyan ni Alfredo Lim. Hindi naman mahirap magtalaga ng pulis sa University Belt. Ayaw lang talagang gawin ito.
Magaling at malinis na pulis ang sinibak pagkatapos ihayag na aabout sa 10,000 ang bilang ng mga nasawi sa bagyong Yolanda. Ngayong aabot na nga sa 10,000 ang mga namatay ay ibabalik daw sa puwesto ang pulis. Ito talagang DILG, parang children. Bakit mahilig makipag-away si Mar Roxas? Kung hindi siya tatakbong pangulo sa 2016 ay okey lang kung makikipag-away siya sa bawat lugar na dadala-win niya. Huwag niyang gayahin ang presidente niya. Hindi na tatakbo sa 2016 yun dahil hindi naman niya gagayahin si GMA.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Alam dito na dalawa pa ang maaareglo sa Maguindanao massacre. Pera talaga ang alok. Kapag tinanggap ang pera ay areglo na. Sa Saudi, blood money ang tawag dito. Joy ng Kalamansig, Sultan Kudarat
Ako’y taga-Zamboanga City. Huwag na lang ninyong banggitin ang barangay basta ako’y nakatira sa West Coast. Hindi na makababangon ang mga kamag-anak ko sa Santa Barbara. Kina-limutan na sila ng national government. Hindi kaya ng city government ang pagbangon ng cuidad Zambaonga. …1882
Hindi na nagbibigay ng paracetamol dito sa barangay namin sa Miagao, Iloilo. Hintayin na lang daw namin ang pag-upo ng bagong mga opisyal. …4409
Bakit hindi kayang pigilin ng PNP ang extortion ng NPA sa mga bus dito? E.E. ng Barangay Lourdes, Valencia City.