Ipit sa Saudization

NAKAUSAP ng Bantay OCW si Eden Laylo ng Batangas hinggil sa problema ng kapatid niyang OFW na si Marife mula sa Saudi Arabia.

Nabigyan ng amnesty si Marife at naideport siya pabalik ng bansa. Hindi na niya nakita ang anak at ama ng bata dahil mula ‘anya sa kulungan, escorted pa ito ng mga pulis, at diretso na siyang inihatid sa airport,

May pitong taon na namalagi si Marife sa Saudi. Gaya nang maraming Filipino, hindi siya makauwi dahil wala siyang mga dokumento. Kaya naging undocumented worker siya, kasama ng napakaraming mga Filipinong naninirahan sa Saudi.
Ayon pa kay Eden, noon pa gustong umuwi ng kapatid niya, kaya lang hindi niya magawa dahil wala siyang mga tamang papeles.

Ngayong nasa bansa na si Marife, labis itong nag-aalala dahil naroroon pa nga sa Saudi ang anak na 4-anyos na babae.

Matapos ang deadline na ibinigay ng Saudi government sa lahat ng mga ilegal na dayuhang nananatili pa sa Saudi noong November 3, 2013, nahihirapan din ang ama nitong maisama pauwi ang bata, dahil wala ngang kaukulang mga papel na taglay ito.

May nagpayo kina Marife na sa atin humingi ng tulong.

Agad namang ipaaalam natin sa Philippine Embassy sa Saudi Arabia ang problemang ito ni Marife at Eden. Hangad namin na magkasabay na ang mag-ama sa pagbabalik sa bansa at kaagad namang maisaayos ang kinakailangang mga dokumento nila.

Ayon naman kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, tanging mga OFW natin na may mga pending na kaso ang mahihirapang makabalik agad dahil kinakailangan nilang panagutan muna sa gobyerno ng Saudi ang kanilang mga krimeng nagawa doon.

Wala ring legal na dokumento si Jonathan Oriendo at kasalukuyang nasa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia ayon sa asawa nitong si Beth ng Bulacan.

Tatlong taon nang nagtrabaho sa Saudi si Jonathan. Gayong dalawang taon lamang ang nakasaad sa kaniyang kontrata.
Ayon kay Beth, tumakas ang asawa niya sa unang employer nito sa Riyadh, dahil hindi ‘anya ito pinapasahod.

Palibhasa’y marami pang mga obligasyon dito sa Pilipinas, nagtungo sa Jeddah si Jonathan at sinubukang makahanap ng ibang trabaho doon, ngunit hindi nga siya nakakita ng maayos na trabaho, pa-sideline-sideline lang anya dahil sa wala nga siyang legal na mga dokumento tulad ng Iqama o working permit.

Overstaying na si Jonathan at sinisikap niyang makapagtrabaho pa din upang maka-ipon man lang ng pamasahe pabalik ng Pilipinas hanggang sa abutan ito ng Saudization — ang sapilitang pagpapauwi sa lahat ng mga illegal alien sa kaharian ng Saudi upang bigyang pagkakataon naman ang mga Saudi nationals na makakuha ng trabaho sa sariling bayan, sa halip na nagiging kaagaw pa ‘anya nila ang mga dayuhang manggagawa doon, kasama na ng mga Filipino.

Ang magandang balita naman, nabigyan na si Jonathan ng travel document ng Konsulado ng Pilipinas mula sa Jeddah. At hinihintay na lamang ang booking ng kaniyang tiket pauwi ng bansa.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...