Unang panalo asam ng tatlong koponan

Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Air21 vs.
Meralco
8 p.m. Petron Blaze vs. SanMig Coffee

Team Standings: Barako Bull (2-0); Barangay Ginebra  (2-0); Petron Blaze   (2-0); GlobalPort   (1-1); Talk ‘N Text  (1-1); Rain Or Shine  (2-1); Alaska Milk (1-2); Air21  (0-2); Meralco (0-2); SanMig Coffee  (0-2)

PANANATILIIN ng Petron Blaze ang pamamayagpag samantalang nais ng SanMig Coffee na magsimulang manalo sa kanilang pagkikita sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Naghahangad ding makapasok na sa win column ang Air21 at Meralco na magtutuos sa unang laro  ganap na alas-5:45 ng hapon.

Kahit na hindi kasama sina Alex Cabagnot, Chico Lanete at Yousef Taha na pawang injured ay nakapagposte ng back-to-back wins ang Boosters kontra Global Port (97-87) at Talk ‘N Text (77-63).

Nasa unang puwesto ang koponan kasama ang Barangay Ginebra San Miguel at Barako Bull. Ang Boosters ay binubuhat ng reigning Most Valuable Player na si Arwind Santos.

Siya ay sinusuportahan nina June Mar Fajardo, Chris Lutz, Marcio Lassiter at Chris Ross. Gaya ng Petron ay may injured players din ang SanMig Coffee sa katauhan nina Peter June Simon at Joe Devance.

Bunga nito ay yumuko ang Mixers sa Gin Kings (86-69) at Alaska Milk (84-80). Kahit pa malaki ang diperensya sa win-loss records nila, hindi binabalewala ni Petron coach Gelacio Abanilla ang SanMig Coffee na aniya’y kayang-kayang bumangon.

Ang Mixers ay sumasandig kina two-time MVP James Yap, Marc Pingris at rookie Ian Sangalang na second pick sa nakaraang Draft.

Ang Air21, na ngayo’y pinangungunahan ni Paul Asi Taulava, ay natalo sa Barako Bull (88-75) at Global Port (114-100) samantalang ang Meralco ay yumuko sa Talk ‘N Text (89-80) at Rain Or Shine (94-89).

Nakakatulong ni Taulava sina Nino Canaleta, Joseph Yeo at Bonbon Custodio. Si Mark Cardona, na nakuha buhat sa Meralco bago nag-umpisa ang season, ay hindi pa nakapaglalaro bunga rin ng injury.

Ang Meralco ay   hindi nagpapirma ng rookie sa season na ito at umaasa sa mga beteranong tulad ni Gary David, ang reigning scoring champion ng liga.

READ NEXT
Foreigner BF
Read more...