Pahirapang pag-uusig

MAGAGALING talaga ang mga mambabatas.  Sa tagal ng panahon ng pakikibaka kontra droga ay pinahihirapan lalo ang paraan para usigin ang mga nahuhuling may ilegal na droga.

Noong panahon ng martial law, simple lang ang kalakaran.  Kapag nahulihan ng droga ay tapos na ang kaligayahan.  Kahit na planted ang ebidensiya ay nakikita rin naman ito ng korte.

Pero, walang ipinagkaiba ang panahon.  Noon at ngayon, kapag mahirap ang suspek, mabubulok sa kulungan, hanggang sa Munti.

Kapag mayaman ay maraming paraan (hindi lang naman droga, pati ang rape, murder at iba pang kahindik-hindik na krime ay naaabsuwelto rin sa bandang huli ang may pera’t kapangyarihang ipinagmamalaki.  Mailipat man sa Munti ay hindi naman nakabilanggo sa rehas, at nakalalabas pa).

Mismong ang taga-usig na si Justice Secretary Leila de Lima ay nasorpresa sa desisyon ng korte (bagaman, madalas siyang masorpresa sa binabaligtad na kanyang mga rekomendasyon).

Para kay De Lima, kailangang amyendahan ang Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2000.  Pero, di ito aamyendahan.  Hayan ang katotohanan na marami nang anak at kamag-anak ng mga politiko ang naabsuwelto dahil mas lalo ngang pinahirapaan ang pag-uusig sa nahuling may ilegal na droga.

Marahil ay tama ang mahihirap na bilanggo sa droga.  Wala silang kakayahang lumaban kahit sila’y ipinagtatanggol ng abogado ng taumbayan (public attorney).  Sa dami ng mga kaso na ipinagtatanggol ng public attorney ay di na ito magkaugaga at, sa mata ng mga akusado, bara-bara na lang ang pagtatanggol.

Dito lamang sa Pilipinas na pinahirapan lalo ang pag-uusig sa kasong droga.
Sa China, Singapore, Japan at Amerika ay madali ang pag-uusig ng kasong droga.  Walang matagal na kuwentuhan.
Karapatan?  Oo nga naman.  May karapatan din ang mga akusado at may karapatan din silang maabsuwelto.

Pero, kung ganito na lang ang kalakaran, manghihinawa ang matitinong pulis na lumalaban sa droga.

Tama nga naman.  Sundin ang iniuutos ng batas.  Sundin ang itinatakda ng chain on custody of evidence.  Alam ng lahat, pati na ng Korte Suprema, na maraming kaso na ang natalo dahil sa chain na ito.

Malinaw na magagaling nga ang ating mambabatas.  Dahil mas pinahirapan nila ang pag-uusig.

May makinig kaya sa panawagan ni De Lima na amyendahan ang “stipulations” ng RA 9165?

Read more...