Eugene Domingo: Bagong Reyna

Eugene Domingo:Bagong reyna

Ni Julie Bonifacio

FRESH  from her box-office indie movie na “Ang Babae Sa Septic Tank,” balik mainstream sa local films ang multi-awarded actress na si Eugene Domingo sa first team-up movie nila ni Toni Gonzaga na “Wedding Tayo, Wedding Hindi” ng Star Cinema mula sa direksyon ni Joey Reyes.

Ang “Wedding Tayo, Wedding Hindi” ay tungkol sa buhay ng magpinsang sina Precy at Belay na ginampanan nina Eugene at Toni, respectively. Gusto nang kumawala ni Precy sa kanyang mister habang si Belay naman ay gusto nang magpakasal pagkatapos magtrabaho ng tatlong taon sa Japan.
Tiniyak ni Eugene na tulad ng nakalipas na hit movies niya gaya ng “Kimmy Dora,” “Here Comes The Bride” at “Ang Babae Sa Septic Tank” ay magugustuhan din ng moviegoers ang pelikula nila ni Toni Gonzaga. Kasama rin sa “Wedding Tayo,

Wedding Hindi” bilang leading men nila sina Zanjoe Marudo at Wendell Ramos.
Sa presscon ng “Wedding Tayo, Wedding Hindi,” ekslusibong nakausap namin si Eugene sa latest happenings and issues sa kanya ngayon.

BANDERA: Dahil sa success sa takilya ng “Ang Babae sa Septic Tank” sa tingin mo may chance ka nang maging Box-Office Queen in the near future?
EUGENE DOMINGO:   Hindi ko naman naiisip ‘yun sa ngayon. Kasi sa ngayon, mas importante sa akin na makapagbigay ako ng magandang palabas sa mga manonood. Kahit hindi ako maging Box-Office Queen this year, okey lang. Iilan lang naman ang sinehan na pinaglabasan namin although I hope na madagdagan pa sana.

Pero kasi nandiyan pa ang Metro Manila Film Festival kaya malabo ata ‘yun. Pero kasi natutuwa ako na pinilahan ‘yung movie at talagang nag-effort ‘yung mga tao to buy tickets at mag-review ng pelikula. Ang dami-daming review ng  pelikula, good reviews, ano na ‘yun talagang napakasaya. Ang mga producer, ah, talagang hindi namin akalain, e.

B: Pero nararamdaman mo na tanggap na tanggap ka na talaga ng moviegoers?
ED: Ah, yes, yes. I think kailangan kong i-acknowledge ang fact na ang mga tao, ang mga manonood binibigay na  nila ang tiwala nila sa artistang pinapanood nila na hindi sila pinapabayaan, alam mo ‘yung ganu’n? And that inspires me and give me more energy para gawin ko pa ‘yung mga tamang pelikula na sa tingin ko ay  magugustuhan nila. Excited ako to do more movies na mage-enjoy talaga sila.

At hindi lang mag-enjoy kundi makakuha sila ng mga insight. Alam hindi lang basta tumatawa, e. Dapat meron din silang natutunan.

B: Sa palagay mo kanino mas iki-credit sa kanila ni Toni kapag kumita ang “Wedding Tayo, Wedding Hindi?”
ED:   Baka sa writer at sa director? (sabay ngiti ni Uge) Kasi kung wala namang material at direktor wala rin kami ‘di ba? Pero sana makagawa pa kami kasi gustung-gusto ko na siya, e.

B: Okey ba sa ‘yo si Toni bilang katrabaho?
ED: Yes, gustung-gusto ko si Toni. Ano nagustuhan ko sa kanya? E, never a dull moment. Nakakatawa siya, e. ‘Yung mga thinking niya, mga kwento niya, ‘yung support niya sa ‘yo talagang solid. Alam mong eto, kahit matapos ang pelikulang ‘to, hindi ako makakalimutan ng batang ‘to. Forever na ‘to. In fact, ganu’n na ang relationship namin sa isa’t isa.
B: Manonood ka ba sa concert ni Toni sa Araneta Coliseum?

ED: Of course! Ay, hindi ako kakanta. Manonood lang ako. Day-off ko ‘yun.
B: Nagsimula ka na rin sa bagong teleserye ng TV5 kung saan makakasama mo ang Superstar na si Nora Aunor. Happy ka ba to work with Nora?

ED: Oo naman. Ano pala siya ‘no,  mahilig siyang tumawa. Kaya nga, aakalain mo kasi dramatic actress, quiet, ganu’n-ganu’n. O kaya parang hindi ka naman kakausapin. Grabe, nakakatawa siya. Nagkita na kami sa pictorial. Ang cute-cute pala niya talaga.

B: Ano ang naramdaman mo nu’ng una mong makita si Nora?
ED: Ako, na-excite ako. Gustung-gusto kong sabihin sa nanay ko, oo, Noranian ang nanay ko. ‘Yung mga unang pelikula na pinasok ko sa sinehan lahat Nora Aunor. Sa lahat ng ginagawa kong trabaho up to this day, ang nanay ko talagang tuwang-tuwa, kasi kasama ko si Nora Aunor.

Hindi ko naisama ang nanay ko sa pictorial. Pero tuwang-tuwa siya saka nakakatuwa si Ate Guy kasi komedyante, e. Sabi ko kasi, parang sabi niya, ‘Pasensya ka na, ha.’ Kasi akala niya late siya. E, hindi naman siya late. May ginawa pa naman kami. E, sabi ko sa kanya, ‘Hindi Ate Guy, may ginawa kami,’ ganu’n. At ganu’n pala talaga siya, ‘po,’ ‘salamat po.’ Maano talaga siya, magalang

B: Nakilala ka ba ni Nora nu’ng una kayong magkita?
ED:  Hindi, wala. Nagpakilala ako. Tapos sabi ko, ‘Ate Guy, okey lang ba?’ Sabi ko sa kanya, ‘Kumain ka na ba?’ Sabi niya, ‘Ah, ewan ko nakalimutan ko na, e.’ Tawa ako nang tawa. ‘Ate Guy, pagkain nakalimutan! Hahahahaha!

B: Excited ka ba na makipagbatuhan ng linya with her?
ED: Maximum fulfillment. Ah, ako I’m looking forward. I know this is really, sa istorya ng buhay ko bilang artista kung magsusulat ako ng libro, isang chapter about her, sigurado. This is really one for the books, kumbaga.

B:  Ano ang naging stand mo nu’ng magkaroon ng isyu between direk Wenn Deramas at ang Star Cinema sa “Enteng ng Ina Mo” na pagsasamahan ng Box-Office King na si Vic Sotto at Box-Office Queen na si Ai Ai delas Alas sa darating na Metro Manila Film Festival?

ED: Ay, hindi naman ako kasali doon. Ako naman lahat kinakausap ko. I also informed direk Wenn, I informed Ai Ai tungkol sa special participation ko. Kung anuman ang istorya nila, hindi ko na alam ‘yun.
Kami nakapag-usap na kami ni BF, ni Ai Ai. I’m still waiting for the script but I think I will have a special participation, ‘yung character ko na best friend niya sa movie na si Rowena. Hindi ako kasama sa whole movie. Sinabi ko na ‘yan kay BF.

Tsaka may kasunduan ang mga artista at MMFF. Before i-submit they inform the actors kung saan sila kasaling pelikula. Wala namang nagsabi sa akin na kasi ako diyan, e.

B: Okey lang sa ‘yo na special participation lang sa movie nina Vic at Ai Ai?
ED:  Of course! For Ai Ai!

Read more...