Laban para sa Bayan

MAGKAKAROON ng pagkakataon si Manny Pacquiao na patunayan sa buong mundo na hindi pa siya laos at kasabay nito ay inialay niya ang laban ngayon sa mga kababayang nasalanta ng super typhoon Yolanda.

Makakasagupa ni Pacquiao dakong alas-11 ng umaga si Brandos Rios sa Cotai Arena ng The Venetian sa Macau, China.
Pagsisikapan ni Pacquiao na umani ng kumbinsidong panalo laban sa 27-anyos na si Rios upang tabunan ang mapapait na pagkatalo sa kamay nina Timothy Bradley at Juan Manuel Marquez na naganap noong isang taon.

Huling lumaban ang tinaguriang Pambansang Kamao noong ika-8 ng Disyembre sa Las Vegas, Nevada. Sa labang iyon ay bumagsak at sandaling nawalan ng malay sa sixth round si Pacquiao laban kay Marquez.

Ang halos isang taong pamamahinga ay tila nakatulong kay Pacquiao dahil seryoso niyang hinarap ang sampung linggong pagsasanay na ginawa sa General Santos City kasama ang batikang trainer na si Freddie Roach at sina Buboy Fernandez at Nonoy Neri.

“Pakiramdam ko ay katulad noong nagsisimula pa lamang ako sa pagbo-boxing,” wika ni Pacquiao na makailang ulit na sinabi na iniaalay niya ang labang ito sa mga biktima ni Yolanda.

“I’m doing my best to win this fight and give a good fight, especially with what happened to my countrymen,” aniya. “To all the people and the families who have been affected by the  typhoon—this fight is for you.”

Nilinaw din niya na ang bawat laban naman ay iniaalay niya sa bayan pero ang labang ito ay espesyal dahil  alam niyang kailangan niyang manalo at mapasaya ang mga kababayang tinamaan ng bagyo at lindol.

Kaya naman ang kanyang isipan ay nakatuon lamang sa labang ito at hindi na niya iniisip ang mga kabiguang nalasap sa nakaraang taon.

“Losing is part of boxing. The good thing is forget the past and move on,” dagdag ni Pacman na tumimbang ng 145 pounds sa official weigh-in kahapon.

Mas mababa ito sa catch weight ng sagupaan na 147 pounds. Si Rios naman ay pumalo sa 146.5 pounds sa weigh-in.
Nakataya sa labang ito ang bagong gawang World Boxing Organization (WBO) International welterweight crown at kapwa mandirigma ay nagpahayag ng kumpiyansang mananalo sa labang ito.

Pakay  ni Rios hindi lamang para makabangon mula sa pagkatalo kay Mike Alvarado noong Marso kundi para makuha ang respeto mula sa mundo ng  boxing.

Bago kasi siya pumayag na labanan ni Pacquiao ay hindi siya gaanong napapansin ng mga boxing fans. Ngayon ay may pagkakataon din siyang baguhin ang kanyang mundo tulad ng pagbabagong naganap kay Bradley matapos niyang biguin si Pacquiao noong isang taon.

“I’m nobody’s sparring partner. I’m nobody’s punching bag. I’m a monster. On Sunday, a new star is on the rise,” deklarasyon ni Rios.

Base sa mga nakalipas na laban ni Rios, ang istilo niya ay nakikipagsabayan siya at nakipagpalitan ng suntok sa kanyang mga katunggali. Kung ganito pa rin ang kanyang gagawin kontra Pacquiao ay malamang na hindi tumagal ang laban at may babagsak sa lona.

“Brandon Rios is a very aggressive fighter. I will take care of him in the ring,” sabi ng Kongresista ng Sarangani Province na may ring record na 54 panalo sa 61 laban kasama ang 38 KOs.

Halagang $18 milyon ang guaranteed purse ni Pacquiao. May malaking parte rin siya sa Pay-Per-View sales. Pero ang sinasabing mas malaking bagay na nakataya sa labang ito ay ang posibilidad na makaharap ni Pacquiao sa isang blockbuster fight ang wala pang talong si Floyd Mayweather Jr.

Pero bago si Mayweather ay kailangan muna niyang dispatsahin si Rios na tila gigil na gigil ding makasagupa si Pacquiao.
“Pacquiao-Mayweather isn’t dead in the water,” Roach said. “All Pacquiao needs is to beat Rios and everything is possible.”

Nagsimula ang professional boxing career ni Rios noong  Hulyo 23, 2004 at bagaman nasungkit niya ang World Boxing Association (WBA) light-weight title ay hindi pa rin siya nabibigyan ng inaasam  na respeto dahil wala pa siyang nakaharap na bigating boxer na tulad ni Pacquiao.

Hindi rin nakatulong sa kanyang imahe ang pagkatalo niya kay  Alvarado noong Marso sa pamamagitan ng unanimous decision.

Lalo pang minaliit ang kakayahan ni Rios nang ihayag ni Roach na matutumba ito sa loob ng apat o anim na rounds dahil, aniya, swak kay Pacquiao ang istilo ni Rios.

Gayunpaman, hindi pa rin natitinag si Rios. “I’m not really worried about that. They’re trying to play mind games, but they’re playing with the wrong guy,” wika ni Rios.

Tulad ni Pacquiao, laki sa hirap si Rios at labas-masok din siya sa kulungan bago siya  naispatan ng trainer na si  Robert Garcia at ginabayan siya  sa boxing.

Naniniwala si Rios na hindi na taglay ni Pacquiao ang bilis at lakas na kanyang ipinakita noong 2009 kung kailan magkasunod niyang pinabagsak sina Ricky Hatton at Miguel Cotto.

“In his last fight, Pacquiao wasn’t as fast as he was in previous fights. I think he has slowed down a lot. Maybe it’s his age. When the body says it’s time to go, it’s time to go,” ani Rios.

Isa sa game plan ni Rios ay ang subukan ang tibay ng panga ni Pacman.Matatandaan na isang malakas na counter-punch ni Marquez ang tumama sa panga ni Pacquiao, dahilan para matulog ito sa sixth round.

“Marquez has tested Pacquiao’s chin already and we know he can’t take a good punch. I can hit hard, so I guess I’m going to test his chin again,” may kum-piyansang sinabi ni Rios.

Ang labang ito ay mapapanood sa free TV (GMA Network) mula alas-11 ng umaga.

( Photo credit to INS )

Read more...