Mommy ni singer-actress sakim

Sino nga si mommy?

MALAPIT na naman ang Kapaskuhan, may naaalala na naman ang mga opisyales ng isang kilalang subdivision kung saan nakatira ang pamilya ng isang young singer-actress, hanggang ngayon pala ay masama pa rin ang loob ng mga ito sa kanilang co-homeowners.

Tuwing dumarating kasi ang Pasko ay nagkakaroon ng gift giving sa naturang subdivision, hindi naman ang kung ano ang maibibigay nila ang mahalaga, kundi ang pagba-bonding ng mga naninirahan du’n.
Pero kuwento ng aming source, “Ayaw nilang makisama, kahit ilang sulat na ang ipadala ng mga officials ng subdivision, wala man lang silang sagot, talagang dinededma lang nila ang activity sa kanilang subdivision.

“Kesyo meron daw show sa ibang bansa si ______ (ang young singer-ctress), kesyo meron daw lalagariing shows, abala raw kasi siya kapag Kapaskuhan, puro alibi ang sinasabi nila sa mga kapitbahay.

“Wala silang pakisama, ayaw nilang makihalubilo sa mga kasamahan nila sa subdivision, ano ba namang minsan sa isang taon lang namang nangyayari ang ganu’n, e, di gawan na sana nila ng paraan, di ba?

“Pero wala talaga, wala silang pakialam, wala silang pakisama, wala silang pakikipagkapwa-tao, kaya maraming naiinis sa kanila sa subdivision,” simulang kuwento ng aming impormante.
Okey raw naman ang ama ng young singer-actress, pero ang mommy niya, ito ang inirereklamo ng kanilang mga kapitbahay.

Sobrang walang pakisama raw ang ina ng sikat pa namang singer-actress.

“May mga tauhan silang nag-aalisan, hindi gaanong nagtatagal ang mga kasambahay nila. Kasi nga raw, hindi sila masyadong naaalagaan sa food, nagugutom sila.

“Maramot kasi ang mommy ng singer-actress, hanggang sa makatitipid siya, e, gagawin niya, dahil hindi raw naman sila namumulot lang ng pera sa kalye, pinaghihirapan daw ‘yun ng anak niya.

“Totoo naman ‘yun, kaya lang, may mga pagkakataon ding kailangan nilang makisama, naninirahan sila sa isang malaking subdivision, kaya kailangang makisayaw rin sila sa mga homeowners. Pero wala silang pakialam, wala silang pakisama,” patuloy pa ng aming source.

Kahit minsan pala ay hindi pa naimbita sa kanilang subdivision ang young singer-actress para kumanta. Palaging may dahilan ang pamilya, napakaabala raw niya, kaya wala siyang panahon.

“Sarado ang isip nila sa pakikisama, sarado rin ang mga palad ng mommy ng singer-actress sa mga contributions, sarado sila sa lahat ng bagay!” pagdidiin pa ng aming impormante sa salitang sarado.

Gets n’yo na kung sino siya? – Cristy Fermin

Read more...