NOONG isang linggo ay nagbigay tayo ng tips laban sa agaw-motor, dahil nga sa tuluy-tuloy na insidente ng carnapping na hindi naman exempted ang mga motorsiklo.
Ang tips noong isang linggo ay nakapako sa kung ano ang mga dapat gawin kung habang sakay kayo ng inyong motor ay saka ito aagawin ng mga kawatan.
Ilang tips ang ibinigay mismo ng mga awtoridad mula sa anti-carnapping unit ng Manila Police District Office na tiyak ay malaking tulong sa mga motor-rider.
Ngayon ay hayaan naman ninyong bigyan kayo ng Bandera ng karagdagang tips para naman maiiwas ninyo ang inyong mga motorsiklo sa mga kawatan habang ito naman ay naka-park.
Kinuha rin namin ang payo ng ilan ding mga motor-rider para sa iwas “motor-nap”.
Maganda ang alarm sa isang motorsiklo dahil nakatatawag ito ng pansin ng tao.
Magdadalawang-isip ang isang kawatan na kunin ang iyong motor kung makita niyang “alarmado” ang iyong motos.
And downside nga lang nito, ayon na rin sa ilang mga magmomomotor ay nakaka-drain ito ng baterya.
“Hindi kasi naging maganda ang experience ko sa alarm. Nadi-discharge ang battery. Nung balikan ko yung motor ko, hindi na tumakbo dahil diskardo na,” salaysay ng isang motor-rider sa isang internet forum para sa mga motorista.
Iba pa rin anya ang silbi ng kadena at padlock bilang pangontra sa mga motor-napper. “Tiyakin lamang na yung kadena mo ay hindi naman basta-basta mapipigtas ng mga bolt-cutter gang. Pumili ng makapal na kadena at kung maaari ay dalawahin ang padlock,” salaysay naman ng isa ring motor-rider.
Wala na ring huhusay pa na iwas-motor-nap ay kung ipa-park ang iyong motorsiklo sa maayos na lugar.
“Kung may pera naman, i-park na ang inyong motorsiklo sa may bayad dahil kahit papaano ay bawas posibilidad na manakaw ito,” ayon pa sa isang motor-rider.
“Just park somewhere safe and madaming motor na mas maganda sa motor mo,” dagdag pa nito. “Before n’ya mapili ang motor mo may napagtripan na syang iba,” pabirong sabi pa nito.
Makabubuti ring huwag iiwan sa compartment ng iyong motor ang inyong registration, maging kahit photocopy lang.
“For added safety, never leave registration even copy sa motor para pag nanakaw motor ay wala ipapakita ang nagnakaw sa check point,” hirit naman ng motor-rider na si Michael Zurbano..