Sa iba, ang tawag sa Sanlibutan ay Diyos

NAKIKITA ng Pinoy kung anong ibig sabihin ng pagmamahal sa kapwa dahil sa tulong na ibinibigay sa biktima ng dalawang sunud-sunod na kalamidad sa bansa.

Ang mga pera at relief goods na binubuhos ngayon sa mga biktima ng 7.2-magnitude earthquake at lalo na ng super typhoon “Yolanda” ay patunay na ang pagmamahal sa kapwa ay nasa kalooban ng sangkatauhan.

Di lang pera at mga materyal na bagay ang binibigay sa Yolanda at earthquake victims kundi ang mga panalangin sa mga nasalanta at ang pag-alala sa kapakanan ng mga biktima.

Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa mga taong complete strangers.

Di nila kilala ang mga Pinoy na tinutulungan nila pero tumulong pa rin dahil sa pagmamahal ng tao sa kanyang kapwa.

Maraming bansa ang tumugon sa tawag na tulungan ang mga biktima ng kalamidad sa Pilipinas.

Kahit na ang China, na meron tayong di pagkakaunawaan, ay nagpadala na ng tulong sa atin.

Isang hospital ship ay tumulak papuntang Pilipinas galing sa China upang tumulong na gamutin ang mga maysakit sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad.
Ang pagmamahal kasi ay isang universal virtue at nasa loob ng lahat ng tao.

Kung sana ay ipakita ng sangkatauhan ang pagmamahal sa kapwa kahit na walang kalamidad ay baka wala nang giyera.

Ang giyera o away ng mga bansa ay nagmumula dahil sa pagpapakita ng kawalan ng pagmamahal ng tao sa isa’t isa.

Bakit tahimik yata ang mga sinasabing “nationalists” o makabayan sa ginagawang tulong ng America sa ating bansa?

Ang US ang unang bansa na nagbigay ng tulong sa atin bago dumating ang tulong ng ibang bansa.

Ang US din ang nagbibigay ng pinakamalaking tulong sa mga biktima ni Yolanda at ng malaking lindol.

As of last week, sa 19 C-130 cargo planes na ginagamit sa pagdadala ng relief goods sa Tacloban City at pagsasakay ng mga civilian passengers palabas ng sinalantang lungsod, sampu ay pag-aari ng America.

Ang tatlo ay sa Philippine Air Force at ang ibang C-130 planes ay pag-aari ng ibang bansa.

Ang hirap sa iba nating kababayan ay nakikita nila ang diumano’y di magandang pag-uugali ng America pero kinalilimutan nila ang mga magagandang ginagawa ng bansang nabanggit.

Mas maraming ginagawang mabuti ng America kesa sa ginagawang masama, kung masama man ang imperialismo at kung ano pang “ismo.”

Nandoon ang inyong lingkod sa Tacloban City airport nang mag-umpisang magsakay ng mga sibilyang Pilipino ang mga US C-130 planes.

Bago pa noon ay sinasakay lang ng US
C-130 planes ang mga American citizens na nasa Tacloban at karatig lugar na gusto nang lumisan.

Nang magkaroon ng go-signal ang American crew ng C-130 planes, isa sa mga isinakay ay isang lalaking nabalian ng tuhod dahil kay Yolanda.

Kinailangang maidala ang lalaki, na kasama ang kanyang maybahay, sa Maynila upang ma-confine sa Philippine General Hospital (PGH).

Ayaw sanang tanggapin ng US crew ang lalaki dahil kailangan siyang masamahan ng doktor.

Pinasamahan ko ang lalaki ng isa sa mga doktor na kasama sa aking medical mission.

Naiyak sa tuwa ang misis ng lalaki dahil sa ginawa kong pagpasama ng isa sa mga doktor ng
aking medical mission.

Pero mas malaki siguro ang aking tuwa kesa sa misis dahil ako’y nakatulong sa aking kapwa.

Kapag ikaw ay tumulong sa iyong kapwa na walang inaasahang kapalit, malaking gantimpala ang ibibigay sa iyo ng Sanlibutan.

Kapag ikaw ay nagpakita ng pagmamahal sa iyong kapwa sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila sa oras ng kanilang pangangailangan, makakaasa kang babalikan ka ng Sanlibutan.
Sa iba, ang pangalan ng Sanlibutan ay Diyos.

Read more...