Almazan sasabak sa PBA ngayon

Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
5:45 p.m. Rain or Shine vs Meralco
8 p.m. San Mig vs Alaska

MAGPUPUGAY ang rookie na si Raymond Almazan sa Rain or Shine na pupuntirya sa ikalawang sunod na panalo kontra Meralco sa PLDT myDSL Philippine Cup mamayang alas-5:45 ng hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Sa alas-8 ng gabi na main game, magsasagupa naman ang San Mig Coffee at Alaska Milk na kapwa naghahangad na makabangon sa pagkatalo noong Linggo.

Ang Rain or Shine, na sumegunda sa Talk ‘N Text sa torneong ito noong nakaraang season, ay nagwagi kontra Alaska Milk, 87-74, noong Linggo sa University of Southern Philippines Gym sa Davao City.

Ang Elasto Painters ay pinamunuan ni Jeff Chan na gumawa ng 17 puntos at Larry Rodriguez na nagdagdag ng 13.
Hindi nakapaglaro si Almazan kontra Aces dahil sa tinapos muna niya ang obligasyon sa  Letran Knights na sumegunda sa San Beda Red Lions sa NCAA.

Isang 6-foot-7 sentro, si Almazan ay pinili ng Elasto Painters na No. 3 sa nakaraang Draft. Bukod sa karagdagang opensa sa gitna, makakatulong nang malaki si Almazan sa depensa. Siya ay three-time Defensive Player of the Year awardee ng NCAA.

Bukod kay Almazan ay kinuha rin ng Rain or Shine ang mga rookies na sina Alex Nuyles at Jeric Teng. Ang Meralco ay natalo sa Talk ‘N Text, 89-80, sa Cebu Coliseum noong Linggo.

Ang Bolts ay sumasandig ngayon sa scoring champion na si Gary David na gumawa ang 26 puntos kontra Tropang Texters.

Ang Meralco ay isa sa dalawang koponang hindi kumuha ng rookies. Ang isa ay ang Petron Blaze.

Ang San Mig Coffee at Alaska Milk ay dalawang koponang nagkampeon noong nakaraang season.
Ang Mixers, na nagkampeon sa Governors’ Cup, ay natalo sa Barangay Ginebra San Miguel, 86-69. Hindi nakapaglaro noong Linggo sina Peter June Simon at Joe Calvin Devance.

Patuloy na sasandig si San Mig coach Tim Cone kina two-time Most Valuable Player James Yap at Gilas Pilipinas star Marc Pingris. Apat na rookies ang kinuha ng Mixers at ito’y sina Ian Sangalang, Isaac Holstein, Justin Melton at JR Cawaling.

Ang Alaska Milk, na kampeon sa Commissioner’s Cup, ay pinamumunuan nina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, Joaquim Thoss, JVee Casio at Dondon Hontiveros.

Bukas ay balik sa Smart Araneta Coliseum ang mga laro kung saan maghaharap ang Air21 at Global Port sa ganap na alas-3:30 ng hapon at magtutunggali ang Petron Blaze at defending champion Talk ‘N Text sa ganap na alas-5:45 ng hapon.

Read more...