HINDI na kagulat-gulat nang sabunin ni Sen. Juan Ponce Enrile si Defense Secretary Voltaire Gazmin. Dapat ay si Gazmin nga ang namumuno pagkatapos manalasa ang mga kalamidad. Sinuman ang nag-utos kay Gazmin na huwag pamunuan ang trabaho, marahil, ay nakauunawa kung hanggang saan magtrabaho ang mama. Si Gazmin ay jailer ni Ninoy.
Luksang damdamin ang mga kongresista nang ideklara ng Supreme Court na unconstitutional ang PDAF. Nasanay na kasi sila sa pera ng taumbayan na pinaglalaruan na lamang nila para makinabang ang kanilang mga kaalyado at ibinubulsa dahil katuksu-tukso nga ang gabundok na milyones na nakatiwangwang sa harap nila. Pero, ang ikinalulungkot ng mga magnanakaw ay may kautusan ang SC sa Department of Justice at Ombudsman na imbestigahan at kasuhan ang mga opisyal, at maging pribado dahil sa “irregular, improper, and/or unlawful disbursement of all funds under the pork barrel system.” Pero, itong si Cong, na kilalang magnanakaw at hunyanggo, at hindi nababagabag. Lalayas lang siya sa bansa kapag malapit na siyang dakmain.
Kung gayon, iimbestigahan din ba at kakasuhan sina Senate President Franklin Drilon (matutuwa si Boboy Syjuco niyan), Speaker Feliciano Belmonte Jr., Budget Secretary Butch Abad, ang naglabas ng pera, at lahat ng mga senador at kongresista na tumanggap ng PDAF, pati na sina BS Aquino at Gloria Arroyo, ang mga nag-utos na ilabas ang pera. Baka imbestigahan at kasuhan din ang mga kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR) at iba pang miyembro ng Gabinete na naulingan ang kamay. Sana nga ay kasuhan dahil ito ang hinihintay ng arawang obrero, na litisin ang nagnakaw ng kanyang pera, at bitayin, kung maaari.
Inilubog na rin ng “baha” ang mga insidente ng holdapan at snatching sa Makati, na karamihan sa mga biktima ay hindi na lang nagrereklamo sa pulisya para makaiwas sa kuskos-balungos. At tila paborito na nga ang mga kawani ng Inquirer Group. Kung sunud-sunod silang nahoholdap at naaagawan ng bag ng nakamotor, ang ibig sabihin niyan ay matagal nang tinitiktikan ang mga kawaning ito. Pati ang kanilang pagpunta sa kalapit na ATM machines ay alam na ng mga holdaper. Karamihan kasi ng ATM machines ay nakadikit sa pader ng bangko kaya ang nagwi-withdraw ay nakikita kahit 30 metro ang layo. Kung ito’y nasa loob ng bangko ay kitang-kita sa labas ang pagwi-withdraw sa ATM machine. Pagka-withdraw, susundan na lang at titiyempuhan. Ipinoposte lang sa kalya ang mobil ng pulis kapag may holdapan. Mahina sa surveillance ang pulis.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Nagpa-panic ang taumbayan dito sa Abuyog, Leyte dahil wala nang mabiling fuel. Grabe ang nangyari sa amin. Bukod sa pagkain ay walang fuel. Kung meron mang natitirang gasolina o diesel, napakamahal naman. Jun Pensona
Dito po ako sa maximum security ng New Bilibid. Gusto ko pong manawagan sa DOJ. Masama ang mga kalye sa dito sa Bilibid. Hindi kami makapag-jogging. Marami ring scooter dito at binubundol na lang ang mga joggers. Dapat ipagbawal yan dito. Naawa lang sa aking ang isang jail guard at ipinagamit niya ang kanyang cell phone. Huwag na ninyong ilagay ang huling apat na number ng cell phone.
Pati kami sa Inopacan, Leyte ay di makakilos dahil P200 na ang litro ng unleaded. Paki sabi naman kay presidente na hirap na hirap na kami. …2290.
Tigasin ang mga pampasaherong jeepney sa New Panaderos, Santa Ana, Maynila. Parking lot at terminal nila ang kalyeng ito. Hindi kasi dumadaan dito si Vice Mayor Isko Moreno. …4522.