‘Executive privilege’ sa Senate hearing ipinaalam kina Escudero at Imee

'Executive privilege' sa Senate hearing ipinaalam kina Escudero at Imee

Chiz Escudero at Imee Marcos

KINUMPIRMA ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang abiso ng Malakanyang ukol sa paggamit ng “executive privilege” sa pagdinig sa Senado ukol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Escudero sumulat sa kanya at kay Sen. Imee Marcos si Executive Sec. Lucas Bersamin at ipinaalam na maaring igiit ng mga miyembro ng gabinete na haharap sa pagdinig ang kanilang “executive privilege.”

Si Marcos ang namumuno sa Senate committee on foreign affairs na nagsagawa ng pagdinig.

Sa “executive privilege” mananatiling confidential ang mga pakikipag-usap ni Pangulong Marcos Jr., sa mga miyembro ng kanyang gabinete ukol sa pagsisilbi ng arrest warrant ng International Criminal Court kay Duterte.

Sinabi ni Escudero na ang paggamit ng “executive privilege” ay kinilala na ng Korte Suprema ngunit hindi ito maaring igiit sa lahat ng mga tanong sa mga miyembro ng gabinete.

Dagdag pa ng senador ang pribilehiyo ay hindi rin maaring gamitin upang hindi humarap sa pagdinig.

Sabi pa ni Escudero hindi na niya sinagot ang sulat ni Bersamin dahil nabasa niya ito bago magsimula ang pagdinig.

Mariin naman nitong itinanggi ang mga umugong na tinangka niyang pigilan ang pagsasagawa ng pagdinig.

Sa pagdinig, ginamit ng magkapatid na Interior Sec. Jonvic Remulla at Justice Sec. Jesus Remulla ang “executive privilege” sa ilang tanong ni Marcos.

Read more...