Quiboloy kinasuhan ni Omar Baliw: Gusto kong itama ‘yung mga hindi tama

Quiboloy kinasuhan ni Omar Baliw: Gusto kong itama 'yung mga hindi tama

Omar Baliw at Apollo Quiboloy

KINASUHAN na ng hiphop artist at songwriter na si Omar Baliw ng “copyright infringement” si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.

Nagsampa ng formal complaint ngayong araw, March 24, si Omar Baliw o Omar Harry Balmes Manzano sa tunay na buhay sa Pasig Hall of Justice.

Base sa ulat, inireklamo ng rapper si Quiboloy matapos umanong gamitin ng kampo nito ang kanta niyang “K&B” nang walang paalam sa naganap na proclamation rally nila sa Pasig City kamakailan.

Kasama ni Omar ang kanyang abogado nang magsampa ng demanda laban kay Quiboloy.

“Gusto ko lang maitama ‘yung mga hindi tama,” ang pahayag ni Omar sa panayam ng media.

Nauna rito, nagpadala muna ang kampo ni Omar ng demand letter kay Quiboloy, pero wala silang natanggap na positibong aksyon kaya nagdesisyon na silang magsampa ng demada.


Nagkaroon din daw ng virtual meeting sa pagitan ng dalawang kampo ngunit wala na umanong narinig o natanggap na mensahe sina Omar mula sa senatorial aspirant.

Kung matatandaan, nag-post sa kanyang social media account ang hiphop artist para ipaalam sa publiko ang paggamit sa kanyang kanta nang walang authorization mula sa kanya.

“Di pa nakaupo, nagnakaw na agad. wala kameng kinalaman dito, pwede ba to ipa-barangay? hahaha. awit,” ang post ng musikero sa kanyang Facebook post noong February, 2025.

Ipinunto niya na mali at hindi makatarungan ang paggamit ng kanyang kanta sa isang political rally nang walang pahintulot.

“Ganito ang pinsala pag maling impormasyon ang makakarating sa tao. Uulitin ko ulit, wala kameng kinalaman dyan. Ninakaw ang music namin at binaboy,” sabi ng rapper.

Ipinost din ng singer-songwriter ang video kung saan mapapanood ang pagkanta niya ng “K&B” sabay sabing, “Eto legit.”

Wala pang reaksiyon ang kampo ni Quiboloy hinggil sa isyung ito. Bukas ang BANDERA sa magiging paliwanag ng kontrobersyal na religious leader.

Read more...