
PHOTO: Screengrab from YouTube/GMA PUblic Affairs
GRABE ang naging experience ng sexy actress-comedienne na si Maureen Larrazabal sa pagsusuot ng contact lenses.
Ito kasi ang naging dahilan kaya siya nabulag ng dalawang taon.
Kamakailan lang, nag-guest si Maureen sa “Lutong Bahay” ng GMA Public Affairs at diyan siya nagkwento kung ano ang nangyari sa kanyang mga mata.
Ayon sa kanya, natulog siya habang nakasuot ang contact lense na naging sanhi ng impeksyon kaya natunaw ang kanyang mga mata at nabulag.
Baka Bet Mo: Maricar Reyes muntik ‘mabulag’ dahil sa contact lenses, anyare?
“Bulag ako, two years. Natulog ako nang may contact lens, tapos tumitigas ‘yun ‘di ba kapag hindi ka nag-drops. Na-slit open ko ‘yung cornea, pinasukan ng Pseudomonas, so pumasok siya sa mata. Pagpasok sa mata ko, few hours lang, that bacteria will melt your eye in 24 hours, ganon siya katindi,” kwento niya.
Nang sinearch namin kung ano nga ba ang Pseudomonas infection, sinabi ng Cleveland Clinic na isa itong kondisyon na pwedeng maapektuhan ang balat, dugo, mata, at ilan pang parte ng katawan.
May possibility raw itong maging “fatal” at kumalat sa katawan na magdulot ng iba pang seryosong kondisyon.
Chika pa ng aktres, nangyari ito habang siya ay nasa Hong Kong at sumailalim siya ng corneal transplant pag-uwi sa Pilipinas.
“Pagdating dito, diretso ako ng Makati Med. Pag-open nila puro pus tapos wala na, wala na siyang itim,” pag-alala niya sa interview.
Base sa eksplanasyon ng Cleveland Clinic, ang pus o nana ay isang “eye discharge that the eye sheds to clean itself.”
Kung ang discharge daw nito ay sobra o may kakaibang inilalabas sa mata, isa raw itong senyales ng impeksyon, allergy, tuyong mata o iba pang isyu.
Sinabi ni Maureen na nangyari ito habang ginagawa ang programang “Kool Ka Lang” noong ‘90s.
“Kaya very grateful ako sa GMA, alam mo kung bakit? Kasi during that time hindi nila ako tinanggalan ng show,” wika niya.
Aniya pa, “May pinagdaanan ako pero I have something to look forward to kasi every week pumapasok ako na naka-shades.”
Kung matatandaan noong nakaraang taon, ibinunyag ng aktres na si Maricar Reyes na muntikan na siyang mabulag sa contact lenses dahil hindi maayos ang paggamit niya rito.