
Rodrigo Duterte at Bato dela Rosa
NAGBAGO ang desisyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na samahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC detention facility sa The Hague, Netherlands.
Ibinandera ng senador sa publiko na handa siyang makasama ang dating presidente sa kulungan kapag may arrest warrant na ring inilabas ang ICC laban sa kanya kaugnay ng pagpapatupad nila ng “war on drugs”.
“If all legal remedies are exhausted and still justice is to no avail, then I don’t want my family to suffer from cops looking for a heartbeat,” pahayag ni Bato sa isang social media post.
“I am ready to join the old man hoping that they would allow me to take care of him,” saad pa niya patungkol kay Duterte hinggil sa pag-aresto at pagkulong dito sa ICC detention facility sa The Hague dahil sa nagawa nitong “crimes against humanity.”
Ngunit bigla ngang nabago ang isip ni Bato matapos mapag-isipan na hindi siya sigurado kung makakasama niya si Duterte sa kulungan kung magpapaaresto siya.
“Paano ako makapag-demand ng time na para makasama doon o makiusap na pareho naman kaming detainee? Mukhang mahirap dahil nga sa experience ngayon nila doon, yung mga nandoon ngayon sa The Hague,” sey ng senador sa panayam ng media.
Kaya naman inamin niyang totoong kino-consider niya ngayon ang magtago at huwag sumuko sa mga otoridad sakaling maglabas na rin ng arrest warrant laban sa kanya ang ICC.
“Well, kung wala tayong makita na hustisya dito sa ating bansa, bakit ka susuko? ‘Di ba? Kasama ‘yan sa kino-consider natin. Kasama ‘yan sa courses of action na puwedeng gawin,” paliwanag ni Bato.
Samantala, nagpasalamat naman ang dating PNP Chief kay Senate President Escudero matapos ihayag nito na maaari siyang mag-stay sa Senado habang naghahanap ng legal remedies sa haharaping kaso.
“I thank the Senate President that he’s willing to protect me while I am still a Senator of this Republic. It shows that the Senate, as an institution, stands for what is right,” ani dela Rosa.
“Pero hindi ko naman sinasabi na forever akong mag-standby d’yan (sa Senado). So, meron pa ring…hanap pa rin tayong ibang courses of action na pwedeng gawin,” dagdag pa niya.