Rodrigo Duterte nasa ICC Detention Center na, sasailalim sa pre-trial

Rodrigo Duterte nasa ICC Detention Center na, sasailalim sa pre-trial

PHOTO: Facebook/Rody Duterte

HAWAK na ng International Criminal Court (ICC) sa detention center nito sa Scheveningen sa Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

‘Yan ay matapos siyang maaresto at ipadala sa The Hague dahil sa mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang giyera kontra droga o “Oplan Tokhang.”

Kinumpirma ni ICC spokesperson Fadi El Abdalla ang pagkakakulong ni Duterte sa isang pahayag na ipinadala sa mga reporter nitong Huwebes, March 13, 10:08 p.m. oras sa Maynila.

“Mr. Duterte is under ICC custody at the ICC detention centre in Scheveningen. He was admitted today following all medical checks,” sey ni El Abdalla, base sa report ng INQUIRER.

Baka Bet Mo: Kitty Duterte ikinumpara sa anak ng former presidents, kinulang sa manners?

Ayon sa tagapagsalita, bahagi ng standard procedure ng ICC ang pagtiyak sa kalusugan at kaligtasan ng isang akusado sa kanilang kustodiya.

Samantala, nakatakdang humarap si Duterte sa kanyang unang pre-trial hearing sa Biyernes, March 14, 2:00 p.m. sa The Hague (9:00 p.m. sa Pilipinas), ayon sa inilabas na abiso ng ICC.

Ang Pre-Trial Chamber I na binubuo ng presiding judge na si Iulia Antoanella Motoc at mga hukom na sina Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at María del Socorro Flores Liera ang mamamahala sa pagdinig.

“During the initial appearance hearing, the judges will verify the identity of the suspect and the language in which he is able to follow the proceedings,” pahayag ng ICC.

Dagdag pa, “He will be informed of the charges against him and of his rights under the ICC Rome Statute.”

Dumating si Duterte sa Netherlands nitong Miyerkules ng gabi (Manila time), March 12, at agad na ipinasok sa ICC Detention Center sa Scheveningen.

Ayon sa datos ng gobyerno, tinatayang 6,000 katao ang namatay sa “war on drugs” ng administrasyong Duterte, ngunit ayon sa mga human rights group, posibleng umabot sa 20,000 ang totoong bilang ng mga napatay.

Read more...