ARESTADO ang isang 70-anyos na lola matapos mahuli sa aktong nagbebenta ng umano’y pampalaglag ng sanggol sa harapan ng Quiapo Church sa Maynila.
Nagsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Intelligence Division ng Manila Police District, at dito nga nasakote ang matandang suspek.
Sangkot umano ito sa pagbebenta ng iba’t ibang uri ng pampalaglag ng sanggol. Natimbog din ang pamangkin ng suspek.
Base sa report, mismong mga staff daw ng simbahan ang nagsumbong sa mga otoridad tungkol sa ilegal na gawain ng mga suspek.
Baka Bet Mo: Sekyu na nagtaboy sa batang nagtitinda ng sampaguita sa mall tsugi sa trabaho
Batay sa inisyal na imbestigasyon, isa ring dating kagawad ang suspek at dati nang nakulong dahil pa rin sa pagbebenta ng ilegal na gamot.
Sinabi naman sa media ni Pltcol. John Guiagui, nahuli ng kanilang mga tauhan ang suspek sa isinagawang operasyon kasama ang isang foreign national.
“Kasama ng isang foreign national na nagbebenta rin. And then we arrested her again, ngayon, for the same violation” sabi ni Guiagui sa panayam ng press.
Nabatid na nasa P1,000 hanggang P3,500 umano ang bentahan ng naturang pampalaglag, kabilang na ang abortion pills. Sabi pa sa ulat, karamihan sa mga customer ni lola ay mga estudyante.
Foreign national daw na may asawang Pinay ang sinasabing supplier ng naarestong suspek.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 ang mga suspek.