Gossip Girl star Michelle Trachtenberg pumanaw na, natagpuan sa apartment

Gossip Girl star Michelle Trachtenberg pumanaw na, natagpuan sa apartment

Michelle Trachtenberg

SUMAKABILANG-BUHAY na ang Hollywood actress na si Michelle Trachtenberg, na nakilala sa hit TV series na “Buffy The Vampire Slayer” at “Gossip Girl”.

Pumanaw ang international actress kahapon, February 26, 2025, ayon sa report ng New York Post.

Natagpuan si Michelle ng kanyang ina na walang malay at “unresponsive” sa loob ng tinutuluyan nitong apartment sa Manhattan, USA.

Ang pagkamatay ng Hollywood star ay kinumpirma ng kanyang publicist na si Gary Mantoosh. Anito, “It is with great sadness to confirm that Michelle Trachtenberg has passed away.

“The family requests privacy for their loss. There are no further details at this time.”

Baka Bet Mo: Maxene dedma pa rin sa tsismis na hiwalay na sila ni Rob: I’m not here to gossip about my journey…

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang inilalabas ang New York City police department kung ano ang naging sanhi ng kamatayan ni Michelle pero sa inisyal na imbestigasyon ay wala naman silang nakikitang foul play.

Kung matatandaan, sumailalim si Michelle sa kidney transplant kamakailan.

Three years old pa lamang si Michelle nang mag-start ang kanyang showbiz career sa pamamagitan ng paggawa ng mga commercials hanggang sa mapasama siya sa Nickelodeon series na “The Adventures of Pete & Pete” noong dekada 90.

Pagtungtong sa edad na 10, ginawa niya ang kanyang first starring role sa pelikulang “Harriet the Spy” na ipinalabas noong 1996, kung saan nakasama niya si Rosie O’Donnell.

Pero ang talagang nagmarka at itinuturing na breakthrough project ni Michelle ay nang gumanap siyang nakababatang kapatid ni Sarah Michelle Gellar sa “Buffy The Vampire Slayer.”

At mas nakilala pa ang aktres nang maging bahagi siya ng teen drama na “Gossip Girl” ipinalabas mula 2007 hanggang 2012.

Bumida rin siya sa mga pelikulang “Eurotrip” (2004), “Ice Princess” (2005), at “17 Again” (2009). At napanood din siya sa ilang episode ng US TV series na “Law & Order”, “All My Children”, “Six Fet Under” at “Weeds.”

Read more...