Bugaw sa evac center dakma

ARESTADO ang isang lalaki nang subukan umano  nitong “ibugaw” ang dalawang teenager sa pangunahing evacuation center ng Zamboanga City, ayon sa pulisya.

Nadakip ang suspek na si Ismael Ho sa Joaquin F. Enriquez Memorial Sports Complex dakong alas-7 ng gabi Huwebes, ayon kay Chief Insp. Ariel Huesca, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula regional police.

Ang pagdakip ay bahagi ng entrapment operation na isinagawa ng intelligence at women and children’s protection division ng Zamboanga City Police, sabi ni Huesca.

Dinampot si Ho nang subukan umano nitong ibugaw sa evacuation center ang dalawang 19-anyos na dalagang mula Basilan at Sulu, ani Huesca.

Nasa pangangalaga na ngayon ng grupong Visayan Forum ang mga dalaga, habang si Ho ay nakaditine sa Zamboanga City Police Office, aniya.

Ang Joaquin F. Enriquez Memorial Sports Complex ang pangunahing tinutuluyan ng mga taong nawalan ng bahay nang mag-gera ang mga tropa ng pamahalaan at Moro National Liberation Front sa lungsod noong Setyembre.

Read more...