HUMARAP na ang kontrobersyal na negosyanteng si Jam Ignacio sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa reklamong isinampa sa kanya ng fiancee na si Jellie Aw.
Sa inilabas na eksklusibong panayam ng GMA Integrated News ay makikitang nakaharap na ng negosante ang NBI director na si Jaime Santiago.
Base sa maiikling video ay tila patuloy pa rin si Jam sa pagsuyo at paghingi ng paumanhin sa kanyang fiancee.
Matatandaang sa kanyang naunang panayam ay inihayag niya kung gaano siya nagsisisi sa kanyang ginawa at nais niyang matuloy pa rin ang kasal nila ni Jellie.
Baka Bet Mo: Jam Ignacio no-show sa NBI, ‘nililigawan’ si Jellie Aw para iatras na ang kaso?
Iginiit rin ni Jam na hindi naman daw siya nagtatago sa mga otoridad at naghihintay lang ng tamang panahon para magsalita.
Nagsisisi na nga raw siya at sana ay mapatawad na siya ng kasintahan.
Lahad ni Jam, “Sa mga kapatid, sa mga kaibigan, heto, heto ako, haharap sa inyo, humaharap na humihingi ng taos-pusong sorry, sorry, sobrang sorry lalo na sa family ni Jellie, Ma, sorry Ma. Alam niya na mahal na mahal ko si Jellie.
“Sa simpleng ‘di pagkakaunawaan, siguro may halo na rin sigurong pagod sa maghapon na lakad namin, kumbaga, tao lang din siguro ako, kumbaga, napuno lang din siguro ako, na hindi ko sinasabi na tama, pero hindi ko para i-tolerate na gawin ulit. Humihingi ako ng tawad, pasensya na talaga…”
Matapos ang pahayag ni Jam ay nagsalita na rin si Jellie at sinabing mahal pa rin naman nito si Jam pero wala na siyang planong ituloy ang pagpapakasal rito.
“Wala na pong kasal na magaganap o matutuloy. Hindi na po matutuloy ‘yong mga pinag-usapan namin dahil po sa nangyari.
“Pero itutuloy ko pa rin po ‘yong kaso. Hindi po pwedeng napuno lang siya, e. Pa’no po ‘pag pinagbigyan ko pa po siya ng second chance? Pa’no pag napuno ulit siya sa akin? Gagawin niya ulit ‘yon?”giit naman ni Jellie.