HILING ng negosyanteng si Jam Ignacio na maayos nila ng kanyang fiancêe na si Jellie Aw ang kinasasangkutang kaso sa labas ng korte.
No show ang ex-boyfriend ni Karla Estrada sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong nagdaang Huwebes, February 20 kaugnay ng reklamong physical abuse na isinampa sa kanya ni Jellie Aw sa NBI.
Ito’y matapos ngang bugbugin umano ni Jam ang content creator at DJ sa loob ng kanilang sasakyan na nagresulta sa pagkabasag ng mukha at pagputok ng kanyang bibig.
Ayon sa abogado ni Jam na si Atty. Oscar Karaan, handang humarap sa fiscal’s office ng anumang korte ang kanyang kliyente sakaling maisampa ang reklamo doon.
Baka Bet Mo: Jellie Aw mahal pa rin si Jam Ignacio, pero ayaw nang magpakasal
“We already sent a letter to the NBI that my client will no longer appear during the hearing to be conducted by the NBI.
“The NBI can just refer the matter to the appropriate fiscal’s office with jurisdiction over the case and then we’ll answer the case that will be filed against my client,” ang sabi ng abogado ni Jam sa panayam ng ABS-CBN.
Ngunit umaasa raw si Jam na maaayos pa nila ni Jellie ang kanilang problema sa labas ng korte, tuluyang magkabalikan at ituloy ang kanilang kasal.
“My client, he is trying to mend with his girlfriend para sana ma-settle ito out of court or out of the fiscal’s office para hindi na humaba kasi pinagpipiyestahan sila sa social media.
“Hindi naman kailangan umabot sa ganu’ng sitwasyon. Dahil usapin ito na puwede naman nilang i-settle between themselves,” sabi pa ng abogado.
“Hindi naman porke nagdemanda ka, e, totoo na. Because accusation is not equivalent or synonymous with evidence,” pahayag pa ni Karaan.
Sa panayam ng “24 Oras” last February 19, humingi ng tawad si Jam kay Jellie, pati na sa pamilya ay mga kaibigan ng dalaga.
“Sa mga kapatid, sa mga kaibigan, heto, heto ako, haharap sa inyo, humaharap na humihingi ng taos-pusong sorry, sorry, sobrang sorry lalo na sa family ni Jellie, Ma, sorry Ma.
“Alam niya na mahal na mahal ko si Jellie,” sey ni Jam
Sana’y mabigyan pa raw siya ng chance na ayusin ang relasyon nila ni Jellie in private.
Pinapangarap pa rin daw niyang makasama habangbuhay ang DJ at bumuo ng sariling pamilya.
Nagsimula lang daw ang lahat sa isang hindi pagkakaunawaan na humantong sa nangyaring insidente. Dala na rin daw siguro ito ng matinding pagod.
“Kumbaga, tao lang din po ako. Napuno lang din siguaro ako, na hindi ko sinasabing tama pero hindi ko para i-tolerate na gawin uli. Humihingi ako ng tawad. Pasensiya na talaga, sorry, sorry sa lahat,” aniya pa.
“Hon, alam mo kung gaano kita kamahal. Alam mo yan kung gaano kita protektahan, bantayan. Sorry sa mga nangyari, pinapangako ko sa yo na hindi na mauulit ito, alam mong mahal natin ang isa’t isa. Mahal na mahal kita,” sabi pa ni Jam.