
Cristine Reyes, Ruru Madrid, Sue Ramirez
NILINAW ni Ruru Madrid na wala siyang sama ng loob kina Sue Ramirez at Cristine Reyes.
Ito ay matapos ang dalawang buwan mula nang maiuwi niya ang Best Supporting Actor award sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) dahil sa mahusay niyang pagganap sa “Green Bones.”
Maaaalalang sina Cristine at Sue ang naging presenter ng MMFF awards night, kasama si Yul Servo para sa nasabing parangal.
Nag-viral ang dalawang aktres dahil sa naging reaksyon nila na tila nadismaya nang si Ruru ang nakakuha ng award.
Bukod kasi kay Ruru, ang mga nominado sa Best Supporting Actor ay sina David Ezra, Kokoy de Santos, Jhong Hilario, at Sid Lucero.
Baka Bet Mo: Ruru sa pakikipagsalpukan kay Coco: Never kong inisip na kalaban siya!
Si Sid siguro ang inaasahang mananalo nina Sue at Cristine dahil kasama nila ito sa entry na “Kingdom” na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Piolo Pascual.
Sa panayam ng showbiz insider na si Ogie Diaz, inamin ni Ruru na naiintindihan niya ang dalawang aktres.
“Inaral ko nang mabuti ‘yung video. Feeling ko — kahit ako naman ‘yung presenter noong gabi na ‘yun — si Kuya Sid [Lucero], napakahusay na aktor at meron siyang dalawang entries,” sey niya.
Patuloy ng aktor, “So malamang ako, kahit hindi ko pa napapanood ang ibang pelikula, ang ie-expect ko ay malamang, si Sid.”
Kwento pa ng binata, “Noong nakita ko ‘yun, hindi ako nakaramdam ng sama ng loob d’un sa mga nagbasa. Feeling ko, hindi naman nila mine-mean na ‘yun ang nasabi or ‘yun ang naging reaksyon nila.”
“Normal [dahil] may dalawang entries [si Sid] and nakasama nila sa isang pelikula. So ‘yun ang iro-root nila. No hard feelings. For me, as long as masaya tayong lahat, nakita ko ang award na ‘to, wala pong problema talaga,” wika pa niya.
Aniya pa, “Siguro kasi hindi rin po talaga nila inexpect dahil aminado ako na [bago] ang pelikula na ‘to, hindi naman na-validate or nakita ng mga tao ang kakayahan ko bilang isang aktor.”
Matatandaang humakot ng parangal ang “Green Bones” –anim ang naiuwing tropeyo kabilang na ang Best Actor kay Dennis Padilla at ang Best Picture.
Ang nasabing pelikula ay mula sa direksyon ni Zig Dulay, tampok din diyan sina Alessandra de Rossi, Michael de Mesa, Sofia Pablo, Wendell Ramos, at Ronnie Lazaro.