
Jovie Albao at Freddie Aguilar
SINUPALPAL ng asawa ng OPM legend na si Freddie Aguilar ang mga Marites na nakikitsismis daw sa buhay niya sa social media.
Hindi pinalampas ng wifey ni Ka Freddie na si Jovie Gatdula Albao ang mga paratang at panghuhusga sa kanya ng mga taong tinawag niyang “tsismosa”.
Sa kanyang Facebook account, muling ibinahagi ni Jovie ang throwback photo nila ni Ka Freddie habang sila’y lumalafang sa isang restaurant.
Sa comment section ng kanyang FB status ay may isang netizen ang nag-react patungkol sa pagsasama nilang mag-asawa.
Baka Bet Mo: Netizens napa-‘sana all’ sa lunch date nina Freddie Aguilar at Jovie Albao na may pa-shout pang ‘Love you bhabe ko!’
“Yung hinihintay ka na lang nyang mategi,” ang komento ng netizen na ang profile photo ay isang kandila, na karaniwang ginagamit kapag namatayan at nagluluksa.
Pinalagan ito ni Jovie at talagang pinatulan ang basher, “Mas nauna ka pa tuloy, mamatayan. Di mo unahin magluksa. Hays.”
Kasunod nito, nagbahagi rin ang misis ni Ka Freddie ng mensahe para sa lahat ng nakikitsismis sa personal na buhay nilang mag-asawa.
“Nagva-viral na naman tong post ni Freddie 3 years ago. Kaya pala dami na namang new followers. Nakiki-tsismis sa buhay ko.
“Diyosko kayo! HAHAHAHA pag katulad kayo ni Arvy, dapat alam nyo priority nyo ha. Buhay nyo muna bago buhay ng iba. Hays!” ang sabi ni Jovie.
Naging isyu noon sa publiko ang relasyon nina Ka Freddie at Jovie dahil sa agwat ng kanilang edad. Maraming nanghusga sa kanilang pagmamahalan na hindi rin daw magtatagal.
Pero pinatunayan ng mag-asawa ang wagas nilang pag-ibig para sa isa’t isa dahil hanggang ngayon ay solid na solid pa rin ang pagsasama nila nilang husband and wife.
Matatandaang nagpakasal noong 2013 sina Ka Freddie at Jovie sa pamamagitan ng isang Muslim wedding sa Buluan, Maguindanao.
Inulan ng kritisismo ang kanilang pagpapakasal dahil nga menor de edad pa (16 years old) si Jovie nu’ng panahong iyon habang 60 naman ang OPM icon.
Sinabi naman ni Jovie sa isang interview na hindi siya pinilit na magpakasal kay Freddie, “Siyempre masaya ko, kasi hindi naman nabubuhay para sa ibang tao.
“Nabubuhay kami para sa sarili namin. ‘Yung ginagawa namin dahil gusto namin ‘to, mahal namin ang isa’t-isa at pinapatunayan lang namin ang pagmamahal namin,” aniya pa.
Sabi naman ni Ka Freddie, “Sana tumigil na ‘yung mga detractors namin. Kasi kaya nga kami nagpakasal kasi ayaw ngang tumigil ‘yung mga paninira sa aming dalawa.
“So naisipan naming dalawa na kung magpapakasal na kami ay titigil na lahat, hindi na nila iisipin na kasalanan ‘yung ginagawa namin,” ayon pa sa award-winning singer-songwriter.