![Thailand 'host country' para sa Miss Universe 2025 pageant](https://bandera.inquirer.net/files/2025/02/Screen-Shot-2025-02-10-at-10.34.42-AM.png)
PHOTO: Screengrab from Instagram/@missuniverse
IBINANDERA na ng Miss Universe Organization (MUO) ang magsisilbing host country para sa upcoming competition ngayong 2025.
At ang napili ay ang tinaguriang “The Land of Smiles” –ang Thailand!
Sa Instagram, mapapanood ang short video na ibinibida ang ilang magagandang lugar sa nasabing bansa kung saan tampok ang reigning queen ng Miss Universe na si Victoria Kjær Theilvig.
“THE MOMENT WE’VE ALL BEEN WAITING FOR…,” bungad na caption sa post.
Baka Bet Mo: Vice nachakahan sa Miss Universe 2024 presentation: Lasing lang ba ‘ko?
Wika pa, “Unveiling the ultimate destination for the 74th Miss Universe competition…Where kindness meets tradition and warm smiles welcome the world [Earth emoji].”
Para sa kaalaman ng marami, ito na ang ikaapat na pagkakataon na ang pageant ay iho-host ng Thailand.
Ito rin ang home country ng isa sa co-owners ng MUO na si Anne Jakrajutatip ng JKN Global Group.
Kung matatandaan last year, ang pageant ay ginanap sa Mexico, ang home country naman ng isa pang co-owner ng organisasyon na si Raul Rocha ng Legacy Holdings Group.
Anyway, ang huling beses na naging host country ang Thailand ay noong 2018 kung kailan nagwagi ang ating pambato na si Catriona Gray.
Ang unang beses naman ay noong 1992 kung saan nanalo si Michelle McLean na representante noon ng bansang Namibia.
Kasunod niyan ay taong 2005 na kinoronahang Miss Universe ang panlaban ng Canada na si Natalie Glebova.
Samantala, patuloy ang paghahanap para sa mga maglalaban-laban sa Miss Universe Philippines na siyang ipapadala sa Thailand.
Last year, si Chelsea Manalo ang naging kinatawan natin sa nasabing kompetisyon na napabilang sa Top 30 qualifiers, ngunit nakakuha ng titulong Miss Universe Asia.
Ang bagong title ay inanunsyo during the post-pageant press conference na ginanap din sa Mexico.
Bilang Miss Universe Asia, ang Bulakenya Queen ay nakatakdang bisitahin ang buong Asya kung saan magkakaroon ng official trips ang MUO.
Ilan pa sa mga itinanghal na continental queens ay ang Peru na hinirang na Miss Universe Americas, ang Nigeria bilang Miss Universe Africa and Oceania, at ang Finland na nakakuha ang titulong Miss Universe Europe and Middle East.