![Matt Lozano naisipang wakasan na ang lahat dahil sa matinding depresyon](https://bandera.inquirer.net/files/2025/02/GridArt_20250209_145436519-1200x882.jpg)
Matt Lozano
Trigger warning: Mention of suicide, depression
DAHIL sa naranasang matinding depression, sumagi sa isip ng Kapuso actor-singer na si Matt Lozano na tapusin na ang kanyang buhay.
Rebelasyon ni Matt, may isang pagkakataon sa kanyang buhay na naisipan niyang wakasan na ang lahat sa kanyang life dahil magulung-magulo noon ang takbo ng kanyang isip.
Sa guesting ng binata sa cooking talk show na “Lutong Bahay” sa GTV hosted by Mikee Quintos inilahad nga niya ang pinagdaanang depresyon at kung paano niya ito hinarap at nalampasan.
Kasama rin ni Matt sa naturang programa ang kanyang inang si Elaine kung saan ibinahagi nila sa mga manonood ang paborito nilang beef estofado.
Baka Bet Mo: Jak Roberto sugatan ang kamao sa taping; Matt Lozano, Radson Flores todo training na para sa ‘Voltes V’
Sa isang bahagi ng programa ay natanong ni Mikee si Matt tungkol sa na-experience nitong depresyon. Pagsisimula ng “Voltes V Legacy” star, nangyari ito noong kapapanalo pa lang niya sa singing contest ng isang noontime show.
“That time, I was the grand winner of ‘Spogif.’ Four months straight may mga prod kami tapos biglang nawala. Pumupunta kami sa studio, nandu’n kami, tapos waiting, tapos hindi na kami nakukunan. Nalungkot ako du’n,” simulang kuwento ng binata.
Kasunod nito, unti-unting bumigat ang kanyang timbang at lumobo ang katawan. Marami siyang sinubukang audition sa showbiz pero hindi siya pumapasa.
“Magulo, sobrang gulo ng utak ko nu’n. Feeling ko walang nagsu-support sa ‘kin, feeling ko.. basta nag-ibang tao ako,” pag-amin pa niya.
Tandang-tanda pa raw ni Matt yung araw na nagmamaneho siya sa bilis na 100 kilometers per hour nang pumasok sa kanyang isip na tapusin na ang lahat.
“Lasing na lasing ako nu’n. Sobrang nasa darkest ano ako nu’n, tapos nasa Congressional (Avenue, sa Quezon City) ako, bigla na lang nag-pop sa head ko na, ‘Uy, may simbahan du’n ah.’ Stop, U-turn,” pagbabalik-tanaw ng aktor.
Sa isang church doon tumigil si Matt saka inilabas ang lahat ng nararamdamang sama ng loob. Kasunod nito ang taimtim na dasal at paghingi ng tawad sa Panginoon.
“Nagdadasal ako, nag-sorry ako, ‘Bakit ganito ‘yung iniisip ko, anong nangyayari, bakit ko tatapusin ‘yung something great na ibinigay sa ‘kin?'” pahayag pa ni Matt.
Pagbabahagi pa niya, “Nu’ng nakauwi ako, the next day, tinanong ko si God, sabi ko, ‘Bakit mo sa ‘kin binigay ‘tong talento na ‘to kung sasayangin ko lang?’
“So, ngayon ‘yung ginawa ko wala nang kumukuha sa ‘kin sa showbiz, no problem.’ Kinuha ko yung gitara ko (nagsimulang tumugtog at kinarir ang pagkanta,” sabi pa ni Matt.
Sa tanong kung paano siya nagsimulang maka-recover, “Siguro ‘yung nagsimula akong mahalin ‘yung kung ano talaga ‘yung totoong ako.
“‘Di ba, kumbaga, parang kung hindi mo tatanggapin ikaw kung ano ka eh, kung sino ka, ano ang katawan mo, kung hindi mo ia-accept ‘yung sarili mo,” sey pa ni Matt na napapanood sa “Bubble Gang” at sa Kapuso afternoon series na “Forever Young.”
Samantala, aminado naman ang nanay ni Matt na si Elaine na darating ang pagkakataon na hindi 100% mababantayan at mapoprotektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak.
“Kaya dasal, prayers. Paglabas na paglabas pa lang niya ng bahay, nagdadasal na ko, ‘Lord please protect my son, protect my children,’ kasi wala na kong control diyan,” sabi ni Elaine.