ISINUSULONG sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong magpataw ng parusang kamatayan o death penalty sa pamamagitan ng firing squad.
Ito ay para sa mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang nagkasala ng korapsyon at iba pang mabibigat na kaso, ayon sa ulat ng INQUIRER.
Sa ilalim ng House Bill No. 11211 o ang Death Penalty for Corruption Act na inihain ni Zamboanga City 1st District Rep. Khymer Adan Olaso, ang mga sumusunod na kaso ay may kaakibat na parusang kamatayan:
- Graft and corruption ayon sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act
- Malversation of public funds ayon sa Revised Penal Code
- Plunder ayon sa Republic Act No. 7080
Baka Bet Mo: Herbert Bautista ‘guilty’ sa katiwalian, kulong mula 6 to 10 years
Sinabi ni Olaso na ang panukalang ito ay tugon sa matagal nang problema ng bansa sa korapsyon na aniya’y isa sa pinakamalaking banta sa pag-unlad ng Pilipinas.
“Despite the existence of numerous laws aimed at combating graft, malversation, and plunder, the persistence of these crimes suggests that current measures are insufficient to deter public officials from engaging in corrupt practices,” paliwanag ni Olaso sa explanatory note.
Dagdag niya, “This proposed bill seeks to impose the ultimate penalty of death by firing squad on public officials — from the President to the lowest barangay official — convicted by the Sandiganbayan of graft and corruption, malversation of public funds, and plunder. The bill emphasizes accountability and deterrence, making it clear that public office is a public trust, and any violation of that trust must be met with the severest consequences.”
Sino-sino ang saklaw ng nasabing parusa?
Sa ilalim ng house bill, lahat ng opisyal ng gobyerno –mula sa mga halal na opisyal, itinalaga, pati na rin ang mga miyembro ng militar at pulisya, ay maaaring mapatawan ng parusang kamatayan kung mapapatunayang nagkasala ng Sandiganbayan.
Pero bago ipataw ang parusang kamatayan, kailangang matiyak na nasunod ang mga sumusunod na proseso:
- Kumpirmasyon ng Korte Suprema sa hatol ng Sandiganbayan.
- Mandatory automatic review process na itinatakda ng Saligang Batas at iba pang umiiral na batas.
- Pag-ubos ng lahat ng legal na remedyo ng akusado, kabilang ang apela at motion for reconsideration.
“These safeguards aim to uphold the fundamental rights of the accused while ensuring that the imposition of the death penalty is applied only in cases where guilt is conclusively established,” saad sa panukalang batas.
Para sa kaalaman ng marami, ang panukala ay inihain noong Disyembre 16, 2024 at itinurn-over sa House Committee on Justice noong Disyembre 18.
Sa kasalukuyan, hindi pa ipinatutupad ang parusang kamatayan sa Pilipinas alinsunod sa 1987 Constitution maliban na lamang kung mayroong “compelling reasons” tulad ng mabibigat na krimen.
Matatandaang muling isinulong ang parusang kamatayan noong administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos dahil sa tumataas na bilang ng krimen.
Ipinaimplementa ito sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Estrada, ngunit na-repeal noong 2006 nang pirmahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act No. 9346 o ang Act Prohibiting the Imposition of Death Penalty in the Philippines.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may panukalang batas para sa parusang kamatayan laban sa mga opisyal ng gobyerno na nasasangkot sa korapsyon.
Noong October last year, sinabi ni Cibac party-list Rep. Eddie Villanueva na isusulong niya ang death penalty para sa mga opisyal na nagnakaw ng higit sa P100 million.
Samantala, si Senador Ronald dela Rosa naman ay nagsulong ng panukala para sa reinstatement ng death penalty ngunit limitado lamang sa high-level drug trafficking, dahil sa pangambang hindi susuportahan ang panukala kung isasama ang korapsyon sa mga krimeng papatawan nito.