100 corrupt gov’t officials sibak daw kay Digong
KARAMIHAN sa mga tinanggal ni Presidente Duterte ay mga dating opisyal ng LTFRB, LTO at Bureau of Customs. Ang pinakamalaking ulo ay si Peter Laviña, dating spokesman noong kampanya na sinibak sa National Irrigation Administration dahil sa balitang nagpapahiwatig ng lagay, ayon sa Malakanyang.
Ayon mismo sa pangulo, “Do not f**k with corruption in government”. Mukhang seryoso siya kahit merong mga intriga sa pagtanggap niya ng regalong Mercedes Benz sa isang girlfriend na ipina-ngako niyang ipapa-raffle ito sa Pasko sa mga Palace reporters.
Nariyan din ang pagtanggi raw niya sa regalong Gold Rolex at ang isang kahon ng pera na iniwan sa kanya ng isang humingi ng pabor noon. Idagdag pa natin diyan ang alok na areglong P3 bilyon ng Mighty Corporation para sa tax case nito, na ibinulgar ng pangulo sa publiko.
Sa ngayon, merong hotline na ibinigay ang Pangulo na 8888 sa Smart o Globe kung saan pwedeng magreklamo ang lahat ng tao, basta’t huwag lamang magsisinungaling ang mga complainants sa kanya.
Ang ganitong “hotline” ang nagsisilbi ngayong “sword of Damocles” sa bawat opisyal o empleyado ng gobyerno. Idagdag pa natin ang estilong “check and countercheck” ng pangulo kung saan dalawang magkakalabang paksyon ang inilalagay niya sa bawat pwesto ng gobyerno.
Ito’y para hindi magkuntsabahan kundi magbantayan ang dalawa niyang appointee na iwasan ang korupsyon at mapagbuti ang serbisyo. Nakita natin iyan sa SBMA, Philippine Coconut Authority, Customs, DOA, DOTR, DOJ at sa halos lahat ng malalaking sangay ng gobyerno.
Nakita natin ang away sa PCA ni Andal kay Ca-binet Secretary Evasco; ang pagsibak kay Laviña; ang away ni DOJ Sec. Aguirre at Immigration chief Laurente; ang appointment nina Gens Berroya at Lastimoso sa LRT at MRT sa poder ni Sec. Art Tugade.
Maging sa DPWH, bantayan ang nangyayari dahil sa iba’t ibang paks-yon na inilagay doon ni Digong kung saan malinis na gobyerno ang tanging option para gumalaw ang mga proyekto roon.
At dahil sa matinding higpit ng mga opisyal ng DPWH, bumabalik na naman ang grupo-grupo ng mga malalaking kontratista upang maimpluwensyahan ang mga parehas na “public bidding”.
Ika nga, sila-sila na lang mga contractor ang nag-uusap kung sino ang mananalo sa bidding. Isang ilegal na gawaing hindi ako magtataka na papasukin at iimbestigahan ng NBI o OMBUDSMAN.
Sa kabuuan, lumaki na nang husto ang sweldo ngayon ng mga opisyal ng gobyerno matapos ipatupad ang Salary Standar-dization Law noong panahon ni GMA, PNoy at ngayo’y Digong. Sa dami ng mga nadedemanda ngayong public officials na sabit sa DAP, PDAF at iba pang katiwalian, hindi ako magtataka na marami sa kanila ay tatanggi na sa korupsyon at mamahalin ang kanilang trabaho.
Noong araw kasi, makayari lang ng isang “one time” na anomalya ay pwede na. Pero, ngayong masyadong mabilis ang hustisya at kumikilos na ang anti-graft agencies at si Digong, nagdadalawang isip na ang mga corrupt sa gobyerno.
Bukod dito, may “pressure” na rin sa kanilang mga anak at pamilya na huwag dungisan ng katiwalian ang kanilang pa-ngalan lalo na kung malagay sa Facebook o media.
Tandaan natin ang numerong 8888. At simulan nating sibakin ang mga corrupt sa gobyerno. Sana naman hindi exempted dito ang mga bata ni Digong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.