NATANONG ang seasoned comedian at OPM artists na si Janno Gibbs kung totoo bang mahilig siya sa mani sa tunay na buhay.
“Wow Mani” kasi ang titulo ng first project niya ngayong 2025 – ang kauna-unahang gag show na napapanood na ngayon sa streaming platform na VMX kung saan makakasama niya ang mga pambatong Vivamax stars.
Sa naganap na presscon ng “Wow Mani” kamakailan ay pabirong inusisa si Janno kung talaga raw bang mahilig siya sa mani in real life?
Nag-isip muna sandali ang komedyante sabay tanong sa membersng press, “Sino ba ang unang ka-love team ko Hindi ba si Mane? Si Manilyn Reynes? At maganda talaga ang chemistry namin.”
Baka Bet Mo: Janno sinagot mga hugot ni Jinggoy sa Vivamax; magpainit sa ‘Wow Mani’
In fairness, tawanan at palakpakan naman ang nasa mediacon. Na totoo nga naman dahil naging phenomenal din ang loveteam nila noon ni Manilyn sa mundo ng telebisyon at pelikula.
Si Janno ang pinakabida at masasabing magiging pader ng first ever gag show ng VMX na “Wow Mani” kasama ang may 12 VMX Bombshell na magpapatawa at magpapainit sa mga manonood.
Kabilang na nga riyan sina Yda Manzano, Krista Miller, Chloe Jenna, Denise Esteban, Jenn Rosa, Salome Salvi, at ang nagbabalik na si Sunshine Guimary.
Sa dami ng sexy stars na kasama ni Janno sa show ay natanong din siya kung ano ang reaksyon ng asawa niyang si Bing Loyzaga
“Sanay na ‘yun. Wala naman akong tine-text sa kanila (VMX stars). Wala pa. Ha-hahahaha! Alam naman niya na this is work.
“Saka alam n’yo, these ladies, they maybe baring their bodies, pero in reality, mababait silang tao. Malayo from what they show on VMX. Parang ako din, tahimik lang ako off cam.
“Hindi ako ‘yung maingay na comedian and serious ako kapag nakakausap n’yo,” sey pa ng aktor.
Samantala, siniguro ni Janno at ng mga kasamahan niya sa “Wow Mani” na mas matapang at palaban ang kanilang naughty jokes kesa sa mga gag show sa free TV dahil nga nasa streaming platform sila na walang masyadong restrictions.
Mapapanood ang fresh episodes ng naturang online show every Tuesday. Nakapagbangko na raw sina Janno ng 12 episodes para sa first season.
Bukod sa “Wow Mani”, napapanood din si Janno sa podcast na “Men’s Room” sa Spotify, at makakasama rin daw siya sa new season ng “Masked Singer PH”.
Nang tanungin naman kung kumusta na siya matapos ang mga pinagdaanang pagsubok sa buhay, kabilang na ang pagpanaw ng amang si Ronaldo Valdez, “I’m okay. Mas gumaguwapo!”