PROUD at super happy ang original member ng grupong SexBomb Girls na si Rochelle Pangilinan sa tinatamasang kasikatan ngayon ng P-pop group na BINI.
Marami kasi ang nagsasabi na bago nga umingay ang grupong BINI ay nagkaroon muna ng SexBomb Dancers na talaga namang humataw nang bonggang-bongga noong kasagsagan ng kanilang kasikatan.
“Sobrang happy kami na sinasabi nga nila na parang kami ang nagpasimula talaga ng girl group o mga dancers. Darating naman talaga ang panahon na may lalabas at lalabas na ibang grupo.
“So, hello, ilang taon na rin naman kami. At happy kami, na kahit ang anak ko, sinasayaw naman ang mga kanta ng BINI,” pahayag ni Rochelle nang makachikahan ng BANDERA sa grand mediacon ng GMA series na “Lolong: Bayani ng Bayan.”
Sundot na tanong sa Kapuso actress na pinuri nang todo ng mga manonood sa kanyang performance sa “Pulang Araw”, game ba siya at ang iba pang members ng SexBomb na makipag-showdown sa BINI.
“Showdown? Siguro noong bata-bata kami, kayang-kaya talaga ang showdown. Ha-hahaha! Pero ngayon, iba na kasi ang edad namin.
“Pero sana kapag sumayaw kami, maramdaman namin na as one pa rin kami, o isa pa rin ang mga galaw namin,” sagot ni Rochelle.
Dagdag pa niya, “Siyempre ang iba nagkaanak na kami. Pero kung noong bata-bata ang Sexbomb, at lumabas din ang BINI, siyempre laban kung laban. Sabi ko nga, wala kaming inaatrasan.
“Pero kung mabibigyan ng chance, at makakapag-practice ulit kami, laban kung laban!” saad pa ni SexBomb Rochelle.
In fairness, kahit matagal nang hindi nagsasama-sama sa isang stage ang SB ay pinag-uusapan at nagti-trending pa rin sila sa social media.
“Eh, kasi nga yung mga fans, gustung-gusto nilang magbalik kami, gusto nilang magsama-sama ulit kami sa isang stage.
“Pinagpi-pray namin yun. Kahit kami nina Jopay, nina Mia, pinag-uusapan nga namin na sana may maglakas ng loob na mag-produce na magkakasama kami.
“Kasi sa totoo lang, sa tingin ko mahirap na rin kaming ipag-produce, kasi hindi lang kami isang manager.
“May kanya-kanya na kaming manager. So siyempre sa amin pa lang, ang dami namin, ang daming kakausapin,” saad ni Rochelle.
Pag-alala pa ng aktres, “2002 kami nabuo. So, 25 years na kami dapat.”
Nang matanong kung kailan ba talaga nabuwag ang SexBomb, “Sa totoo lang, kahit kami kapag nag-uusap, hindi namin alam kung kailan kami nawala. Walang exact date, dahil bigla na lang, sige pahinga na muna. Bigla na lang, kinabukasan wala na kaming work.
“Kaya nga sabi namin, wala kaming closure! Parang bigla na lang kaming nawala” pag-amin ni Rochelle.
Ano naman ang reaksyon niya sa mga performers ngayon na nagsasabing “laking-Dexbomb?” sila at talagang sinayaw din nila ang mga dance moves na pinasikat nila ilang taon na ngayon ang nakararaan.
“Happy ako. Kasi ibig sabihin noon maraming palaban. Na hinding-hindi babagsak. Na kung madapa man, alam mong babangon.
“Malamang napanood nila kami, nasubaybayan nila kami, na kahit sinong ka-showdown namin, hindi namin inaatrasan,” sey pa ng Kapuso star.
Samantala, mapapasabak uli sa aksyon si Rochelle sa “Lolong: Bayani ng Bayan” na pinagbibidahan ni Ruru Madrid kaya naman talagang nagpakundisyon siya ng katawan at kinarir ang training para sa kanyang fight scenes.
“Everyday tumatakbo ako ng 10 kilometers. Araw-araw nagpapalakas ako. Ako kasi, gusto kong siguraduhin na hindi na makikita si Tia Amalia (karakter niya sa Pulang Araw). Mas gusto ko na makita na nila si Karina. Sinigurado kong iniwanan ko na si Amalia.
“Kulang pa nga raw itong katawan ko. Kailangan ko pang mag-weights, kailangan na medyo muscle-muscle ako. Na dapat hindi ako hingalin. Every 4 a.m. gigising ako para tumakbo.
“Sa gabi naman, magwi-weights naman ako. Kaya nakiusap talaga ako na huwag munang pag-usapan si Amalia,” ani Rochelle.