NAGLABAS din ng sariling saloobin ang dalawang aktor na sina Derek Ramsay at Rocco Nacino kaugnay sa viral video ng pagtaboy ng sekyu kay sampaguita girl.
Ang kanilang opinyon ay makikita sa comment section ng naging post ng kapwa-aktor na si John Arcilla.
Para kay Derek, nalulungkot siya sa nangyari dahil wala man lang daw nagtangkang manghimasok upang pigilan ang dalawa.
“Mas priority pa ang mag-video kesa tumulong,” sey niya.
Patuloy ni Derek, “Mahirap mag-comment sa ganitong mga video. Hindi natin alam ang buong storya.”
Baka Bet Mo: Viral ‘Sampaguita Girl’ natatakot sa sinibak na sekyu: Baka balikan po ako
“May mali talaga sa guard, and I’m sure may mali din sa bata, but mali din ang gumawa ng video kesa tumulong. Nilagyan pa ng music na malungkot,” aniya pa.
Ayon naman kay Rocco, “Siguro kung nakiusap ng maayos ung guard, baka nakipag-cooperate ung bata.”
“Hindi lahat nadadaan sa galit,” sambit niya.
Sa isang interview, isinalaysay ni sampaguita girl ang buong pangyayari sa viral video kung saan bayolente siyang itinaboy ng security guard sa labas ng sikat na shopping mall sa Mandaluyong City.
Kwento niya, “Ayaw na muna niya mapakiusapan na doon na muna ako umupo…and then parang inaambahan niya po ako na kukunin niya ‘yung sampaguita ko. Tumayo na po ako noon and then, ‘yun nga po, ‘nung pagtayo ko po non, hinablot niya po ‘yung paninda ko.”
“Galit po ako talaga kasi naganun po ako. Feeling ko, ang baba ko, feeling ko, ayun nga, dahil nagtitinda lang ako, ginanun ako,” saad pa niya.
Gayunpaman, nais humingi ng sorry ng dalaga sa sekyu dahil hindi niya gustong natanggal ito sa trabaho.
Nabanggit din ng kanyang magulang sa hiwalay na panayam na masakit para sa kanila ang ginawa sa anak, pero ayaw nilang magsampa ng kaso.