AMINADO ang pamilya ni sampaguita girl na nasaktan sila matapos mapanood ang viral video kung saan pinagmalupitan umano ito ng security guard.
Alam naman natin kung ano ang nangyari sa nasabing video na kung saan hinablot ng sekyu ang sampaguitang hawak ng estudyanteng babae na nakaupo sa hagdan sa labas ng sikat na shopping mall sa Mandaluyong City.
Natanggal ang mga bulaklak mula sa pagkakatali nito kaya naman nagalit ‘yung dalaga at pinaghahampas ang sekyu ng natitirang sampaguita sa kanyang kamay, pero ginantihan din siya ng lalaki at sinipa siya.
Bilang kumalat na nga ang video, agad na umaksyon ang naturang mall at sinibak sa trabaho ang security guard.
Recently lamang, na-interview ng “24 Oras” ang pamilya ng nag-viral na dalaga, lalo na ang mga magulang nito.
Baka Bet Mo: John Arcilla sa nasibak na sekyu: Bakit kailangang wasakin yung tinda ng bata?
Pag-amin ng ina, “Masakit sa kalooban kasi [kung] ako nga ang nanay, hindi ko sila nahampasan ng ganyan. Masakit [dahil] sa ginawa sa anak ko nga, sinipa ng ganun. Kasi naghahanapbuhay naman ng maayos ang [anak ko].”
Kwento naman ng ama ng dalaga, “Nakikiupo lang siya kasi umaabon ‘nung time na ‘yun. Nakikisilong po siya. Eh ngayon, biglang dumating ‘yung guard [tapos] pilit syang pinapaalis.”
“Eh alam mo naman ‘yung anak ko na ‘yan, kapag alam niyang tama siya, talagang ipaglalaban niya sarili niya. Hanggang sa hindi ata sila nagkakaunawaan, hinablot ng [guard] ‘yung sampaguita,” sey niya pa.
Ayon pa sa ina, kahit hindi maganda ang ginawa ng security guard sa kanyang anak ay ayaw na nilang magsampa ng kaso laban dito.
“Hindi na kami [magfa-file] ng kaso. Kasi malay mo may pamilya siyang pinag-aaral, kagaya sa amin…naawa rin ako kasi parehas kami,” paliwanag niya.
Base rin sa ulat ng programa, si sampaguita girl ay nasa edad 22 na at kasalukuyang kumukuha ng kursong medical technology.
Nabanggit pa nga na may kakambal ito na nag-aaral ng nursing.
Maliban pa riyan ay may dalawa pa silang kapatid na mga nasa edad 19 at 23.
Chika ng ina, ang lahat ng anak niya ay nagbebenta ng sampaguita sa Ortigas kung saan kumikita ito ng P1,500 hanggang P2,000 kada araw para sa kanilang pag-aaral.
Nang tanungin ng reporter ang Department of Social Welfare and Development (DSW) kung bakit highschool uniform ang suot ng dalaga sa viral video kung nasa kolehiyo na pala ito.
Ang sagot diyan ni DSWD Asec. Irene Dumlao, “Dahil nga mahirap po sila. Kung ano ‘yung available na uniform ay ‘yun po ang ginagamit po nila.”
Bilang tulong, nagbigay ang ahensya ng P20,000 at tutulungan rin sila na mapalago ang negosyo ng pamilya sa pagtitinda ng sampaguita.
Sabi naman ng Philippine National Police Civil Security Group (PNP CSG), kahit hindi magsasampa ng kaso ang pamilya ng dalaga ay haharap naman ang security guard sa reklamong administratibo.
“Binibigyan po natin sila next week ng specific date na mag-appear sa ating opisina. Sakaling hindi siya lumutang, pati ang agency, mag-i-initiate na po tayo ng formal filing of administrative complaint,” sey ni PNP CSG Spokesperson PLTCOL. Eudisan Gultiano sa panayam.
Kung matatandaan, nauna nang nagsabi ang PNP na posibleng mawalan ng lisensya ang sekyu dahil marami siyang nilabag sa kanyang ginawa.
Para sa kaalaman ng marami, ang CSG ang unit ng PNP na may responsibilidad sa pag-regulate ng mga pribadong security agency sa ilalim ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA).