POSIBLENG mawalan ng lisensya ang security guard na sangkot sa viral video na tinataboy ang isang batang babae na nagtitinda ng sampaguita sa isang mall sa Mandaluyong City.
Ito ay ayon sa Philippine National Police Civil Security Group (PNP CSG) nitong Huwebes, January 16.
“Considering na medyo maraming possible na mai-file na cases, maaari pong ma-aggravate ito, maaari pong ma-impose siya ng penalty na suspension. Pwede rin cancellation and revocation ng kanyang lisensya,” sey ni CSG Spokesperson Lt. Col. Eudisan Gultiano na iniulat ng INQUIRER.
Para sa kaalaman ng marami, ang CSG ang unit ng PNP na may responsibilidad sa pag-regulate ng mga pribadong security agency sa ilalim ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA).
Paliwanag ni Gultiano, “Base sa video, makikita natin na may possible violation pagdating sa conduct ng security guard, yung decorum in the performance ng kanyang duty.”
Baka Bet Mo: Mga besh, knows n’yo na ba ang mga paglabag at multa sa batas trapiko ng LTO?
“May mga paglabag siya sa ethical standards, professional security creed, at titignan kung may iba pang special laws na nalabag na maaaring idagdag sa administrative complaint sa SOSIA,” patuloy ng tagapagsalita.
Nabanggit din ni Gultiano na makikipag-ugnayan sila sa lokal na pulisya para makilala ang batang babae sa video at tulungan ito na magsampa ng nararapat na reklamo.
Bukod diyan ay makikipag-usap rin daw sila sa mga security at training agency para masigurong natuturuan ng tamang asal at etikal na pamantayan ang mga guwardiya.
Mapapanood sa viral video na hinablot ng sekyu ang sampaguitang hawak ng bata na nakaupo sa hagdan sa labas ng SM Megamall kaya natanggal ang mga bulaklak mula sa pagkakatali nito.
Nagalit ‘yung estudyante kaya hinampas niya ang security guard ng natitirang sampaguita sa kanyang kamay, pero ginantihan din siya ng lalaki at sinipa ang bata.
Marami ang uminit ang ulo sa nangyari kaya mabilis na umaksyon ang pamunuan ng SM Megamall at naglabas ng official statement nitong January 16.
Ayon sa kanila, sinibak na nila sa trabaho ang sekyu at hindi na pinapayagang mag-serbisyo sa kahit anong mall ng SM.