NILAYUAN at iniwan sa ere ng kanyang mga malalapit na kaibigan ang transwoman na si BB Gandanghari noong magdesisyon siyang “patayin” na nang tuluyan si Rustom Padilla.
Matindi rin ang pinagdaanan ni BB noong panahong nangyayari ang “transition” mula sa pagiging lalaki niya patungo sa pagiging babae.
Marami raw kasi ang hindi nakaunawa sa paglalantad sa publiko ng tunay niyang pagkatao, kabilang na ang ilang malalapit na kaibigan na mas piniling lumayo kesa samahan siya sa kanyang journey bilang transgender.
Taong 2006 nang ibandera ni Rustom sa buong universe na isa rin siyang miyembro ng LGBTQ+ community.
Sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda” kay BB nitong nagdaang Martes, 16 years na ngayon ang nakalilipas mula nang isagawa ang kanyang transition.
Baka Bet Mo: Robin tinatratong tunay na girl si BB Gandanghari, little sister ang peg
“It wasn’t easy. It’s the hardest. Contrary sa mga akala ng iba na everything was honeymoon, or everything was on a bed of roses. No, it was very difficult.
“Maraming nawala. Marami kasing nagtampo dahil part of my transition was actually to isolate myself. So maraming hindi nakaintindi roon sa isolation ko,” rebelasyon ng nakatatandang kapatid ni Sen. Robin Padilla.
In fact, until now ay may mga hindi pa rin nakauunawa sa pinagdaraanan niya at may mga pagkakataon din na nakararanas siya ng diskriminasyon.
“I understand. Kasi hindi naman nila alam ‘yung pinagdadaanan ko. Siguro parang akala lang nila, akala lang na marami is, ‘She just disappeared,’ dahil hindi na tayo kilalang lahat.
“But on the contrary, it’s really part of the transition,” esplika ni BB.
Nabanggit din niya ang pangalan ng Original Concert Queen na si Pops Fernandez na isa raw sa kanyang mga kaibigan na hindi siya iniwan at hinusgahan.
“Si Pops is there, and it proved to be na talagang…meron kaming tampuhan, pero she understood all the way. Marami rin kasi kaming pinagdaanan,” pahayag pa ni BB.
Sa isang post sa Instagram, nagbalik-tanaw si BB na Enero 16, 2009 nang bumalik siya sa Pilipinas at sinabing “Rustom is dead.”
Matatandaang noong 2016 nang tuluyang matupad ni BB ang pangarap na mapalitan ang kanyang kasarian bilang isang babae sa pamamagitan ng mga legal na dokumento sa Amerika matapos na aprubahan ng korte sa California ang kanyang petisyon.