PROUD na proud ang Primetime Action Hero na si Ruru Madrid sa season 2 ng Kapusp action-adventure series na “Lolong: Bayani ng Bayan.”
Ramdam man ni Ruru ang matinding pressure sa nalalapit na pagpapalabas ng bago niyang serye, lalo’t naging matagumpay ang unang season nito, mas lamang pa rin daw ang kanyang excitement.
Umaasa at ipinagdarasal ng Kapuso hunk actor na susuportahan din ng manonood ang ikalawang yugto ng “Lolong” na itinanghal na most watched TV show noong 2022.
“‘Yung pressure kasi, hindi naman nawawala in every project na gagawin natin. For me, ‘yun ‘yung gusto ko laging pakiramdam.
Baka Bet Mo: Boyet de Leon bilib na bilib kay Ruru Madrid; cast ng ‘Lolong’ nag-iyakan matapos sumabak sa lock-in taping
“Hindi pressure sa kumpetisyon or kung anuman, kumbaga, pressure na makagawa ka ng isang programang tatatak sa puso ng sambayanang Pilipino,” ang pahayag ni Ruru sa naganap na presscon ng bago niyang serye last Monday, January 13.
“‘Yun ‘yung lagi kong gustong pakiramdam dahil ayoko rin na makampante ka, hindi mo na pag-iigihan ‘yung mga ginagawa mo. Dapat laging kasama ‘yun sa bawat proyektong gagawin natin,” aniya pa.
Pagpapatuloy pa niya, “Ang pinakanatutunan ko dito, hindi lang sa pagiging isang aktor na gumaganap bilang si Lolong, kundi bilang isang tao.
“Hindi mo kailangang magkaroon ng super powers para maging isa kang bayani.
“Basta nakakatulong ka sa iyong kapwa, sa iyong pamilya, nakakapagbigay ka ng inspirasyon sa maraming mga tao, bayani ka na.
“‘Yun ‘yung dadalhin ko habang buhay sa paggawa nitong programang ‘to,” pagbabahagi pa niya.
Kuwento pa ni Ruru, sa season 1 ng serye ay halos 12 lang daw ang kabilang sa main cast pero ngayong season 2 ay aabot na sila ng 50.
“Ever since nagkaroon ng Lolong ng 2022, hindi ko po naisip na magkakaroon ng Book 2.
“So ngayon na nagkaroon kami ng ganitong opportunity, I’m just very grateful at hindi na kami makapaghintay na mapanood niyo po ito.
“To be honest, dalawang buwan lang po yung preparation namin dito. Nag-start kami mag-taping ng November.
“Pero awa po ng Diyos, nakaabot kami at patuloy na pinagbubutihan ang aming ginagawa para mapaganda po yung programa,” sabi pa ng aktor.
Magsisimula na ang “Lolong: Bayani ng Bayan” sa January 20, sa GMA Prime, after ng “24 Oras.”