MARIING itinanggi ng TV host-politician na si Tito Sotto na nakatanggap siya ng kopya ng script ng upcoming film ni Darryl Yap na pinamagatang “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Ito’y matapos ang pahayag ng legal counsel ng controversial direktor na si Atty. Raymond Fortun na ang script ay ipinadala umano kay Tito.
Sa isang text message na ipinadala sa INQUIRER.net noong Linggo, January 12, sinabi ni Atty. Fortun na ang nasabing script na tungkol sa yumaong sexy star na si Pepsi Paloma ay ipinadala na sa isang “Sotto sibling who’s a senator” bago pa man magsimula ang produksyon ng pelikula.
“Direk Yap was told that the script had been given to the Sotto sibling [a senator]. There was no feedback, even as he followed up twice,” sey ng abogado ni Darryl.
Baka Bet Mo: Igan sa Pepsi Paloma movie ni Darryl Yap: Malabong payagan ng MTRCB
Aniya pa, “Script was given to the intermediary before Christmas. Follow-ups [were] made before Christmas. Shooting was during the Christmas.”
Pinabulaanan naman ito ng reelectionist senator sa isang Viber message nang tanungin siya ukol sa isyu.
Ayon kay Tito, ang kopya ng script ay ibinigay kay Viva CEO Vic del Rosario at hindi sa kanya o sa kanyang kapatid na si Vic Sotto.
“No. They gave a copy to Vic del Rosario, not Vic Sotto, and asked Viva if they can produce it although at that time they were already shooting the movie. Vic Del Rosario himself called me and asked if I wanted a copy. I said I’m not interested but if he will send a copy, I will forward it to my lawyer instead,” saad niya.
When asked if he was referring to the Viva CEO, Sotto said: “Yes. Tinanggihan sila ng Viva. Vic [del Rosario] told me.”
Nang nilinaw ng INQUIRER kung ang tinutukoy niya ay ang CEO ng Viva, ang sagot niya: “Oo. Tinanggihan sila ng Viva. Sinabi ito sa akin ni Vic [del Rosario].”
Sa X (dating Twitter), muling iginiit ng TV host-politician ngayong araw, January 13, na wala siyang nabasang script ni Darryl.
“Hindi totoo. Mali. Ibinigay ang script kay Vic del Rosario, hindi kay Vic Sotto. Hindi namin nabasa ang script nila,” aniya.
Not true. False. They gave a script to Vic del Rosario, not Vic Sotto. Vic nor I never read their script. https://t.co/6yyQUWjNMO
— Tito Sotto (@sotto_tito) January 13, 2025
Tulad ng politician, ang pahayag ni Atty. Fortun ay itinanggi rin ng legal counsel ni Vic na si Atty. Enrique Dela Cruz.
“He is probably misinformed. Sen. Tito Sotto said that is not true,” wika niya.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Vic sa isang panayam ng media na walang kumonsulta o nakipag-usap sa kanya hinggil sa pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma.”
January 9 nang magsampa si Bossing Vic ng 19 counts of cyber libel sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) laban kay Darryl.
Ito ay dahil sa pagdawit sa pangalan ng batikang actor-TV host sa movie teaser bilang “rapist” umano ng yumaong sikat na starlet noong 1980s na si Pepsi Paloma.
Ang kaso ng controversial director ay aabot ng kabuuang P35 million –P20 million bilang moral damages at karagdagang P15 million bilang exemplary damages.