PAPALITAN na nga ba ng iconic OPM group na Aegis Band ng bagong bokalista ang yumao nilang miyembro na si Mercy Sunot?
Isa ang tanong na iyan sa sinagot ng mga kapatid ni Mercy na sina Julie Sunot at Ken Sunot sa pagharap nila sa ilang members ng entertainment media sa presscon ng kanilang pre-Valentine concert na “Halik Sa Ulan.”
Hindi napigilan ng ilang mga miyebro ng grupo na maging emosyonal at maluha nang alalahanin nila ang masasayang pinagsamahan nila kasama si Mercy noong nabubuhay pa ito.
Hindi na nila kasi makakasama ang biriterang singer sa kanilang comeback major concert na “Halik sa Ulan” sa darating na February 1 and 2 na gaganapin sa New Frontier Theater.
Baka Bet Mo: Aegis sa pagpanaw ni Mercy Sunot: Hindi kami prepared na ganu’n kabilis
Ito’y magsisilbi rin nilang tribute sa namayapa nilang kabanda na pumanaw bago magpaalam ang 2024 matapos makipaglaban sa breast at lung cancer.
“Siguro iba kasi wala si Mercy, pero kailangan namin lalo galingan kasi iba talaga nung kumpleto kami,” ang lumuluhang pahayag ni Juliet sa naturang presscon.
“Nu’ng time na naplano to (concert), talagang wala si Mercy pero gusto lang namin bumalik siya. Pero talagang umalis na talaga siya. Kailangan lang namin pagpatuloy yung nasimulan namin. Gagalingan po namin,” pangako ni Juliet.
Sabi naman ng isa pang sister ni Mercy na si Ken Sunot na siya na ngayong kasa-kasama sa mga show ng Aegis, ramdam na ramdam niya ang pressure sa pagpe-perform ngayong wala ang kanilang kapatid.
“Nape-pressure ako kasi dati, kapag nandiyan si Ate Mercy, si Ate Juliet sasaluhin (sa pagkanta). Eh, ngayon, parang magiging lakasan ng loob ko na din kasi iba yung may dalawang ate.
“Dati kay Ate Mercy, ‘Ate hindi ko kaya,’ sasabihin niya, ‘kaya natin to, ako bahala,’” aniya pa.
Sabi naman ni Juliet tungkol sa kanilang concert, gagawin nila ang lahat para maging proud sa kanila si Mercy.
“Mahirap po, pero pipilitin namin na parang walang nangyari. Ito naman po para sa aming kapatid, para kay Mercy po,” sabi pa niya kasabay ng pagkumpirma na iri-release ng Aegis ang bago nilang kanta sa mismong concert.
Mas naging emosyonal pa si Juliet nang matanong kung ano ang pinakanami-miss niya kay Mercy “Marami. Hanggang ngayon talaga hindi ako makapaniwala.
“Sabi ko talaga para sa kapatid po namin itong concert na to. Pero hindi po namin akalain na mawala po si Mercy kaya talagang ang sakit po. Ngayon naging tribute na talaga sa kanya,” sabi pa niya.
Natanong din kung balak nga ba nilang kumuha ng bagong member ng grupo bilang kapalit ni Mercy, matapos kumalat ang chika na magiging bahagi na raw ng Aegis si Laica Gairanod.
“Wala po. Iba pa rin po kay Mercy. Siguro guest lang po pwede, pero si Mercy po, forever po siya sa Aegis. Wala pong mawawalang name na Mercy.”
Samantala, bongga ang line-up ng mga magiging special guests sa Valentine concert ng Aegis kabilang na riyan sina Morissette, Jona, Julie Anne San Jose, at Ogie Alcasid.
“Halik Sa Ulan: A Valentine’s Special” tickets are available through TicketNet.