MATAPOS ang ilang TV guestings, siyempre, hindi nagpahuli ang Pangulong Bongbong Marcos na ipakita kung gaano siya ka-proud sa singer na si Sofronio Vasquez.
Malaking karangalan ang nakamit ni Sofronio para sa ating bansa matapos maging champion sa “The Voice USA” kamakailan lang.
Gumawa siya ng kasaysayan bilang first-ever male Asian at Filipino winner ng global singing competition.
Noong Miyerkules, January 8, nagkaroon ng “courtesy call” ang singer at tila naging concert hall pa nga ang Malacañang.
Baka Bet Mo: Sofronio inalala ang advice ni Rey Valera: ‘Ikaw gagawa ng sarili mong swerte’
Sa pagbisita kasi ni Sofronio sa palasyo ay naghandog siya ng ilang favorite songs para sa presidente, kabilang na ang “Imagine” by John Lennon.
Inawit din niya ang kanyang winning piece na “A Million Dreams” mula sa pelikulang “The Greatest Showman” na kung saan ay napaluha si First Lady Liza Araneta-Marcos.
Bukod sa pagtatanghal, nakachikahan din Sofronio sina Pangulong Bongbong at First Lady Liza upang pag-usapan ang naging tagumpay sa international stage.
Ang biro pa ni PBBM sa singer, “Kaunti nalang gagawin na naming national holiday ‘yung pagkapanalo mo.”
Sa kabila ng mga nakamit ni Sofronio, ramdam pa rin sa kanya ang pagiging mapakumbaba.
“Wala akong rason na nakikita na magkaroon ng yabang, yung ibang side na yabang. Siguro yabang na nanalo tayo, but yung sa pagkatao ko, I don’t think na magiging maganda siyang ugali kasi I was just once a dreamer,” sey niya sa isang ambush interview matapos ang courtesy call.
Patuloy niya, “Ilang beses akong nag-fail, but my heart is just overwhelmed na nabigyan ako ng pagkakataon.”
“Sobrang natutuwa ako kasi napansin pala ‘yun ang ating President and he even took time to watch my video,” ani pa ng “The Voice” champion.
Ang Canadian singer-songwriter na si Michael Bublé ang naging coach ni Sofronio sa 26th season ng nasabing TV show.
Bilang champion, ang naging premyo ng Pinoy singer ay $100,000 o P5.8 million cash prize, at may record deal din siya with the Universal Music Group kung saan nakakontrata ang mga international artists tulad nina Taylor Swift, Alicia Keys, Harry Styles, Adele, at marami pang iba.
Taong 2022 nang magtungo siya sa Amerika para ipagpatuloy ang kanyang singing career matapos pumanaw ang ama.
Noong 2016 naman nang unang sumali si Sofronio sa “Tawag ng Tanghalan” ng It’s Showtime, ngunit hindi na siya nakapasok sa finals.
Gayunpaman, lubos ang pasasalamat niya sa noontime show dahil ayon sa kanya, ito ang unang naniwala sa kanyang kakayahan sa pagkanta.
Ang nasabing programa ang unang-una niyang binisita pagkabalik dito sa ating bansa.