NAG-IBA ang naging takbo ng buhay ng lalaki na minsang nakasuhan ng frustrated homicide dahil kay Jesus Nazareno.
Si Maki Gonzales, 44-anyos, isa sa mga deboto ng Nazareno na nakiisa sa Translacion nitong Huwebes, January 9.
Sa kanyang naging panayan sa ABS-CBN News, ibinandera ng lalaki ang naging epekto at kung paano nabago ang kanyang buhay nang makita niya ang imahen ng Jesus Nazareno.
“Pabalik-balik [ako] ng kulungan hanggang sa makakita ako ng Nazareno, nagbago buhay ko,” panimula ng lalaki.
Baka Bet Mo: Coco, McCoy, Angeline matibay ang panata, ‘spotted’ sa Nazareno 2025
“Napalinya ako sa samahan ng mga lingkod hanggang sa nakita ko ‘yong pagbabago ng buhay ko,” pagpapatuloy ni Maki.
Aniya, mas tumibay ang kanyang pananampalataya kay Nazareno matapos ang kanyang pagkaka-stroke.
“Kailan lang na-stroke ako kaya lalong tumibay ang pananampalataya ko sa Jesus Nazareno. Ngayon, naka-rekober na ako,” kuwento pa ng lalaki.
Tuwing January 9 ay ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Jesus Nazareno kung saan libo-libong deboto ang pumupunta at dumadagsa para sa umano’y milagrasong imahen.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagdami at pagpunta ng mga tao sa Quiapo church bilang kanilang panata taon taon kay Jesus Nazareno.