TULUYAN na ngang kinasuhan ng TV host-actor na si Vic Sotto ang controversial filmmaker na si Darryl Yap kaugnay ng lumabas na teaser ng “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Personal na nagtungo si Bossing Vic sa Muntinlupa Regional Trial Court kaninang umaga, January 9, para idemanda si Direk Darryl matapos mabanggit ang pangalan niya sa short trailer ng naturang pelikula.
Sinampahan ni Vic ng 19 counts of cyberlibel si Darryl Yap dahil sa diretsahang pagbanggit sa pangalan niya bilang rapist umano ng yumaong sexy star na si Pepsi Paloma na sumikat noong dekada 80.
Kasama ang kanyang asawang aktres at TV host na si Pauleen Luna, humihingi ng civil damages si Bossing ng P20 million.
Baka Bet Mo: Darryl Yap chill-chill lang sa balitang pagdedemanda ni Vic Sotto
Hindi pa nara-raffle ang reklamo kung anong branch sa Muntinlupa RTC, ang hahawak at didinig sa criminal complaint ni Vic Sotto.
Ayon sa panayam ng media sa original host ng “Eat Bulaga”, wala siyang personal na galit kay Darryl Yap, ang gusto lang niya ay managot ang mga iresponsableng indibidwal lalo na sa paggamit ng social media.
“Marami pong nagtatanong kung anong reaction ko noong lumabas itong issue. Ako’y nanahimik. Wala naman akong sinasagot. to na po yun. Ito na po yung reaction ko.
“Sabi ko nga eh, ito’y walang personalan ito. I just trust in the justice system. Ako’y laban sa mga irresponsableng tao lalo na pag dating sa social media,” pahayag ni Bossing sa panayam ng media.
May tumawag at nakipag-usap ba sa kanya tungkol sa pelikula? “Wala. Walang kumonsulta, walang nagpaalam, walang consent.”
Patuloy pa niya, “Lahat ng pamilya ko, kaibigan ko full support sa akin. Kahit ano mang aksyon ko. Sabi nga nila, kung plano mo ulit, they will be in full support.”
Ito lang daw ang mensahe niya kay Direk Darryl,
“Wala naman. Happy New Year.”
Ayon naman sa abogado ng TV host na si Enrique Dela Cruz, ang naging basehan ng pagsasampa ni Vic ng kaso ay ang mga ipinost ni Darryl Yap na teaser video ng “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Malinaw at diretsahan daw na binanggit ang pangalan ng TV host sa confrontation scene sa pagitan ni Gina Alajar na gumaganap bilang Charito Solis sa pelikula at ng teen actress na si Rhed Bustamante bilang Pepsi Paloma.
“Labing siyam na beses po na nagpahayag o nagpost na mapanirang imputation ‘yung respondent. Dito po sa criminal case ang finile lang po natin ay si Mr. Darryl Yap,” ang pahayag ni Dela Cruz sa media pagkatapos nilang mag-file ng complaint.
Bukod dito, nag-file rin ang kampo ni Vic ng hiwalay na habeas data petition sa isa pang branch ng Muntinlupa RTC.