Malagpasan kaya ni PNoy si ‘Yoly’?

TODO depensa ngayon ang pamahalaan sa ginagawang relief operations sa Tacloban at iba pang lugar na nasalanta ni Yolanda dahil sa mga batikos hinggil sa disorganisadong pamimigay ng relief goods at maging ang pagkuha ng mga bangkay.

Binatikos pa ng Malacanang ang mali-maling impormasyon na inilalabas ng media hinggil sa bagyong Yolanda.

Nagtayo na nga ng media center sa Tacloban sa pagnanais na matugunan ang negatibong ulat na lumalabas sa media lalu na ang iniuulat ng mga international media. Kabilang kasi sa mga batikos na nakukuha ng gobyerno ay ang pagiging kalat-kalat na pagtugon ng pamahalaan sa problemang iniwan ni “Yolanda”.

Ito’y isa kabila ng pagbuhos ng tulong mula sa iba’t-ibang bansa. Sa ngayon kasi, mahigit isang linggo matapos ang trahedya, napakarami pa ring mga lugar sa Visayas, ang hindi naaabutan ng tulong ng gobyerno. Maging ang mga kababayan nating nasawi sa trahedya ay makikita pa rin na nagkalat sa mga daan at hindi pa rin naililibing.

May mga alegasyon pa na inuuna ang mga kaalyado at mga kakilala.

Sa ganitong panahon, dapat pairalin ng gobyerno ang pantay-pantay na pagtulong sa lahat ng apektado, kapartido man o walang impluwensiya sa gobyerno. Masusubok talaga ang liderato ni PNoy kung paano malalampasan ng gobyerno ang napakalaking problemang iniwan ni Yolanda.

Sinasadya dawn ng gobyerno na pabagalin ang paglalabas ng datos ng mga namatay sa trahedya? Yun ang obserbasyon ngayon ng marami.

Sinibak na ang opisyal ng PNP sa Region VIII na siyang nagsabi na aabot ng 10,000 ang mga nasawi.

Noong Biyernes, itinanggi pa noong una ng Palasyo na umabot na sa 4,000 ang mga bilang ng mga namatay bagamat ang UN na mismo ang naglabas ng datos.

Hapon naman noong Biyernes nang kumpirmahin na aabot na nga sa halos 4,000 ang mga namatay.
Bakit nauuna pa ang UN sa mga datos gayong NDRRMC ang ahensiyang nakalatalaga hinggil dito o sinasadya lamang na paunti-unti ang paglalabas ng bilang ng mga nasawi?

Eh, paaano nga kung umabot sa 10,000 ang mga namatay? Eh, di malaking dagok na naman yan sa administrasyon ni Aquino?
Napakaraming katanungan na dapat sagutin ng pamahalaan ngunit sa ngayon ang hangad na lamang natin ay mabigyan na ng tulong ang lahat ng biktima ni “Yolanda”.

Da who ang dalawang mataas na opisyal ng administrasyon ni Pangulong Aquino na missing in action sa kasagsagan ng super typhoon Yolanda?

Usap-usapan ngayon sa Malacañang na wala naman talaga sa Tacloban ang dalawang opisyal na ito nang manalasa noong Biyernes si “Yolanda”.

Matatandaang inihayag pa ng Palasyo ang pagpunta ng dalawang opisyal sa Tacloban para pangasiwaan ang paghahanda sa pagtama ni “Yolanda”.

Mismong si PNoy pa ang nag-anunsiyo na nasa Tacloban na ang dalawa para sa ginagawang aksyon ng gobyerno para masiguro ang target na zero casualty ng pamahalaan.

Ang siste, bagamat nagpunta nga sa Tacloban at dumating doon ng Miyerkules ng umaga, sinasabing Miyerkules ng hapon ay lumipad na ang dalawa papuntang Cebu. Kayat nang manalasa si Yolanda sa Tacloban noong Biyernes kung saan tumama ito ganap na alas siyete ng umaga ay wala naman ang dalawa kundi nasa Cebu na sila. Kayat nang tinatawagan ay hindi ma-contact gayong may dala-dala silang satellite phone.

Ang usapan tuloy, sinadya ng dalawang opisyal na patayin ang mga phone para hindi mahalatang wala sila sa Tacloban. Paano hindi mahahalatang wala sa Tacloban ang dalawa? May narinig ba tayo na kwento mula sa kanila na nagdedetalye kung paano nila nalampasan ang tindi ng epekto ni Yolanda na alam naman natin ay biniktima lahat ng mamamayan na nasa Tacloban nang ito ay manalasa. Gusto pa ninyo ng clue? Lalong manggagalaiti ang asawa ng isa sa dalawag opisyal kapag pinuna ang kanyang asawa.

Inaway-away na kasi nito sa kanyang programa ang isang foreign media matapos ang ulat nito hinggil sa ginagawang relief operations ng gobyerno sa Tacloban. Gets niyo na ang mga tinutukoy ko?

Read more...