EMOSYONAL na binalikan ng Kapamilya actress na si Angelica Panganiban ang mga naging kaganapan sa kanyang buhay nitong nagdaang 2024.
Nagbahagi ang celebrity mom sa social media nitong January 2, 2025, ng mga pinagdaanan niyang challenges last year na talagang sumubok sa kanyang tapang at katatagan.
Pero sa kabila nito, marami pa rin naman daw siyang natanggap na blessings at magagandang memories nitong natapos na 2024 kasama siyempre ang asawang si Gregg Homan at ang anak nilang si Amila Sabine o Baby Bean.
Baka Bet Mo: Angelica pinaglilihian ang dyowa: Umiiyak ako lagi, ang sakit-sakit sa akin kapag hindi ko siya nakikita
Hindi nakagawian ni Angelica ang magbahagi ng mga nangyari sa kanyang life sa nakaraang taon bilang pag-welcone sa bagong taon.
Pero karwiran ng aktres, “Ako pa ba ang magdadamot ng recap samantalang isa ako sa sinubok ng 2024.”
Nagsimula raw ang kanyang 2024 sa isang napakaligayang eksena dahil ikinasal sila ni Gregg sa huling araw ng 2023, New Year’s Eve. Pero agad daw itong nasundan ng malungkot na mga pangyayari.
“How I want to remember the year that was. Nagsimula sa napakaligaya. Umabot sa pinaka masakit. Paulit ulit ang dasal ko na patuloy kong maintindihan at matanggap ang lahat ng nangyari.
“Alam ko, oras lang ang makakapagsabi bago gumaan ang nararamdaman ko. Sabi nila, hindi matatapos ang grieving. Dahan dahan lang mababawasan ang bigat,” pahayag ni Angelica.
Matatandaang ibinalita ni Angelica sa publiko ang kanyang health condition noong November, 2023 pero taong 2022 pa lang ay nakaramdam na siya ng pananakit ng katawan — six months pregnant na siya that time.
Inakala ni Angelica na bahagi lamang ng kanyang pagdadalang-tao ang pananakit ng kanyang balakang at legs. Pero matapos siyang manganak noong September, 2022 ay ramdam na ramdam pa rin niya ang sakit sa kanyang balakang, lalo na kapag binubuhat niya ang kanyang anak.
Kuwento ni Angelica sa isa niyang vlog noong 2023, “Six months into pregnancy, meron na akong mga nararamdamang sakit sa may hips.
“Hindi ko actually ma-pinpoint noon kung sa hips, sa leg, sa likod or sa puwitan. Yun yung mga struggles ko noon.
“Nagtanung-tanong ako sa mga doktor and friends ko na naging mommy na rin, and lahat naman sila sinasabi na it’s part of pregnancy.
“So nu’ng nanganak ako, wala rin talaga akong time na pansinin kung ano ba talaga yung mga masakit sa katawan ko,” lahad ng aktres.
Kasunod nito, pagsapit ng August 20, 2024, ibinalita ni Angelica na pumanaw na ang kanyang inang si Annabelle Panganiban. Matinding sakit at pangungulila ang naramdaman niya noong mga panahong yun.
Ito rin yung time na kinailangan na niyang sumailalim sa hip surgery replacement sa kaliwa niyang balakang matapos ma-diagnose ng avascular necrosis, na ayon sa isang health website ay ay isang “painful bone condition.”
Sa kundisyong ito, unti-unting namamatay ang bone tissue ng isang tao dahil sa kawalan ng blood supply, at malaki ang epekto nito sa mobility ng tao.
Nasa stage 3 na ang kaliwang hip ni Angelica na ang ibig sabihin, “more than a third of the bone’s weight-bearing area is dead.” Kaya kinailangan na niyang sumailalim sa arthroplasty, isang surgery para mapalitan ng prosthetic implant ang collapsed bone at cartilage.
Isinagawa ang kanyang hip replacement surgery sa aktres noong October 10, 2024 sa St. Luke’s Medical Center.
Naikuwento pa nga ni Angelica na kahit dalawang beses na silang ikinasal ni Gregg (una sa Los Angeles, California, USA, noong December 31, 2023, at pangalawa sa Siargao noong April 20, 2024) ay hindi pa rin daw sila talaga nakakapag-honeymoon.
Pagpapatuloy pa ni Angge, “Gusto kong lingunin ang 2024 na puno pa rin ng pasasalamat. Maraming dasal ang natupad.
“Kaibigan na hindi napagod maging kaibigan sa kabila ng pagkakaron ko ng mabigat at madilim na ulap. Lalo na sa asawa ko. Paniguradong hindi ito ang unang taon na na imagine niya.
“Ni hindi kami nakapag honeymoon (smiling face with tear emoji) kaya sa 2025, bagong taon, bagong pagkakataon. Hindi para makalimot.
“Taon ito para ipakita kung paano ako pinatibay ng nakaraang taon.
“Wala naman akong plano sumali sa recap. Pero naisip ko lang, ako pa ba ang magdadamot ng recap samantalang isa ako sa sinubok ng 2024.
“Gusto ko lang maging inspirasyon para sa bagong taon. Para sa lahat ng dinaot last year, sabay sabay tayong bumangon dishyir,” pahayag pa ni Angelica.