AYAW nang palakihin pa ni Sylvia Sanchez ang isyu sa hatian ng mga sinehan para sa 10 official entry ng Metro Manila Film Festival 2024.
Nagsimula ang 50th edition ng MMFF nitong December 25 at tatagal hanggang January 7, 2025 sa mga sinehan nationwide.
Ang pag-aaring Nathan Studios ng pamilya ni Sylvia ang nag-produce ng action-drama film na “Topakk” na isa sa mga entry sa MMFF this year. Pinagbibidahan ito nina Arjo Atayde at Julia Montes.
In fairness, magaganda at positibo ang mga nababasa at naririnig naming comments mula sa mga nakapanood na ng pelikula kaya naman balitang nadagdagan pa ang mga sinehan ng “Topakk.”
“Magkapare-pareho lahat (dami ng sinehan) kahit sa Mindanao, equal sa lahat ng 10 pelikula para kung meron mang comparison, iko-compare man lahat, laban-laban kasi pare-pareho.
Baka Bet Mo: ‘Parade of Stars’ ng MMFF aarangkada na, pagkakasunod ng mga float ibinandera
“Pero hindi kung hindi pare-pareho ng dami ng theaters, huwag nang ikumpara. And higit sa lahat naman, at the end of the day, business is business. Yun ang iniisip nila. Prerogative nila. Bahala sila.
“Imbes na mag-dwell ako sa sama ng loob, mag-dwell ako sa negativity, dun na lang ako sa pagtutok ko kung paano ko ipo-promote yung pelikula, kung paano ko aasikasuhin yung mga artista ko na deserving asikasuhin lahat kasi ang gagaling nila.
“So yun na lang, positive na lang. Kasi naniniwala pa rin ako dun sa word of mouth. Pag maganda ang materyal mo, papanuorin yan kahit anong mangyari,” ang dire-diretsong pahayag ni Sylvia nang makachikahan siya ng press bago ang MMFF 2024 Gabi ng Parangal last December 27 sa Solaire Resort, Parañaque City.
Patuloy ng award-winning actress at producer, “Explain ko lang kasi baka may lumabas na intriga. Wala talaga. Yung film fest, sama ng loob? Bahala sila diyan. Basta ako, umaayos kami.
“Lumaban kami kahit 38 lang ang cinema namin (noong mga unang araw ng festival). Lumaban kami. Tapos ngayon nga daw, puno na naman (yung mga sinehan).
“Kasi nasabik yung mga tao sa action. Kung kulang (mga sinehan) sige, prerogative nila yun. Sila yung may-ari di ba? Wala tayo magawa nun. Hayaan mo na. Eh di laban. May word of mouth naman. Actually kumakalat na maganda sa nadadagdagan. Nakakatuwa,” aniya pa.
At sa ikalawang linggo nga ng “Topakk”, natutuwa sina Sylvia dahil sa clamor ng pagdadagdag ng mga sinehan para sa pelikula nila.
“Nadagdagan naman kami ng sinehan kahit konti. Nadagdagan kami. The mere fact na nadagdagan kami, ibig sabihin may nagkakagusto at saka diyusko, para sa akin na baguhang producer, ang daming puri, ang daming positive comments. Ang dami talaga. Nakakatuwa yun. So nakaka-inspire yun,” dugtong niya.
Samantala, muling binanggit ni Sylvia na talagang kinarir niya ang pagpapaganda sa float ng “Topakk” para sa naganap na Parade of Stars.
“Pinangarap ko talaga yun. Sabi ko talaga sa director ko gusto ko manalo nito. Yung best float. Ha-Hahaha! Yun talaga. Pero yung manalo ng kung anu-ano dito, best picture, best actor, best actress, bahala na yung mga judges.
“Bahala na ang Diyos kung ano ibibigay niya sa amin. Basta ako, masaya na kami na nakabuo kami ng ganitong klaseng pelikula. At hindi lang naman dito ito, galing naman ito sa ibang bansa. Pinalakpakan, hinangaan ng ibang bansa. Yun pa lang, trophy na ng Nathan Studios yun.
“Isa lang sinabi ko sa kanya, ‘Direk, gawa tayo ng float at gusto ko manalo ng Best Float!’ Nooon, sumali ako sa Metro Manila Film Festival, ang dami ng tao sa float.
“Kaya sabi ko balang araw, magpo-produce ako, gagawa ako ng sarili kong film na kung saka-sakali, pipilitin ko talaga, papangarapin ko na mananalo ako. At sa gabing ito, natupad ko. Ha-hahaha! Maraming salamat.
“Best Float talaga gusto ko mapanalo na ako mismo ang nagpagawa. Thank you direk Richard Somes sa napakatalino na nagawa mong float!” masayang chika pa ni Sylvia Sanchez.