Ogie Diaz nanawagan sa MMFF: Kawawa naman ang mga producer

Ogie Diaz nanawagan sa MMFF: Kawawa naman ang mga producer

NAGLABAS ng saloobin ang talent manager at content creator na si Ogie Diaz tungkol sa ginaganap ngayong Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024.

May mga binanggit siyang suggestions at advice para mas maging maayos, organisado at pantay-pantay ang pagsasagawa ng taunang film festival sa bansa.

Sa kanyang Facebook page, nag-post si Mama Ogs ng kanyang request sa mga taong bumubuo sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang organizers ng MMFF.

“Pakiusap sa MMDA: Baka naman pwedeng sa panahon ni PBBM eh ibalik nyo na lang sa anim o walo ang Filmfest entries, wag na sampu.

“Alam ko namang masaya, magarbo, kumikinang at makulay ang parada ng mga float bago magpasko at nandiyan ang expertise  nyong i-traffic ang prusisyon sa kalsada. Pero yang paggawa ng float, additional expenses po yan sa bulsa ng bawat producer, ha?” ang simulang pagbabahagi ng online host.

Baka Bet Mo: John Arcilla natanggap na ang Venice filmfest Volpi Cup, may bonus pang bonggang reward

Patuloy pa niya,  “Tapos, hindi naman sila naipaglalaban—ng ewan ko kung concern pa din ito ng MMDA—para magkaroon ng sapat na bilang ng sinehan.


“Siyempre, maiintindihan mo ang mga theater owners kung sila ang pipili ng feeling nila pang-boxoffice talaga at kikita ang sinehan nila. Business as usual, ‘ika nga,” aniya pa.

Tanong ni Mama Ogs, paano naman ang ibang pelikulang kalahok, “Kawawa naman. Nahusgahan na agad na baka pangit, mahina, walang dating — kasi nga, ilan lang ang nagtiwalang sinehan sa kanila para ipalabas ang movie nila.

“Juice ko, privilege nga ang maging bahagi ng taunang MMFF, pero bahala na si Batman kung ilang sinehan lang ang ibigay sa kanila? Ipinagmamakaawa pa nga, eh.

“Lagi bang mangyayari na sa Gabi Ng Parangal, magmamakaawa na naman ang mga kawawang producer na dagdagan naman please ang kanilang sinehan?

“Nakakalokah, proud na proud kang nakapasok ang movie mo sa top 10, pero bahala kang trabahuhin ang paglalabasan ng pelikula mo?” ang maganda pang punto ni Ogie.

Ipinagdiinan din niya ang patuloy na pamamayagpag ng mga streaming platforms at ang walang kamatayang pamimirata na isa sa major-major problem ng movie industry.

“Hindi naman nadaragdagan ang bilang ng mga sinehan sa Pilipinas. Actually, nababawasan pa nga. Kasi yung iba, ginagawa nang venue for concerts at fellowship. Tapos, nag-aagawan ng sinehan ngayon ang mga movie producers?

“Ayon nga sa source ko, nu’ng Pasko lang malakas yung filmfest, pero nu’ng succeeding days na, pakonti na nang pakonti ang nanonood. Andun pa din ang pangarap ng marami na maungusan man lang ng total gross ng MMFF 2024 ang ‘Hello, Love, Again’ na nag-gross ng P1.4B (correct me if I’m wrong).

“So kung ganito lagi ang trend tuwing Filmfest, malamang niyan, among the ten entries, malamang dalawa ang kumita, isa ang break even and the rest, hindi nabawi ang puhunan.

“Sana, wag lang basta pasiglahin ang taunang filmfest ang maging goal ng MMDA. Gawin din dapat ng MMDA, tulungang pakitain ang producers, kahit mabalik na lang ang kanilang puhunan.

“Ni wala nga sa mga umakyat na kandidato nu’ng Gabi ng Parangal ang nagsabing, ‘Gagawan natin ng paraan na maibaba ang buwis pag sumasapit ang Filmfest. O, tatanggalin natin ang buwis bilang regalo ng pamahalaan sa lahat ng manonood para mababa lang ang presyo ng sine para kung isa lang ang napapanood na pelikula ng isang mahirap nating kababayan, dalawa man lang ang mapanood niya.’

“O kaya, sana, narinig din natin sa isa sa umakyat na, ‘May regalo na agad na P5M grant na agad ang gobyerno sa kada pelikulang makakapasok para lalo pa nilang pag-igihin, pagbutihin ang paggawa nila ng pelikula.’

“Sugal po ang pagpo-produce ng pelikula. May namuhunan ng 60M, 68M, 90M ang tatlo sa mga Filmfest entries ngayon, pero paano mababawi ito sa maigting na promo at taimtim na dasal lang? Di ba dapat, tinutulungan ang dasal para magkatotoo?” lahad pa ni Mama Ogs.

Sa huli, nanawagan pa ang online host sa MMDA, “Beke nemen pwede n’yo na lang gawing 6, 7 or 8 entries sa 2025 para mas malaki ang chance na kumita ang tatlo o apat na pelikula and the rest, mabawi man lang ang puhunan, kung hindi rin naman matutupad ‘yung ilusyong P5M grant at tanggal o bawas buwis bilang government gift to moviegoers.

“Tapos, ang ending pala ng mahabang pakiusap na ito ay, ‘Ogie, sa presinto ka na lang magpaliwanag,'” ang pabiro pang hirit ni Ogie Diaz.

Read more...