HANGGANG ngayon ay hindi pa rin natatapos ang usapan tungkol sa 50th Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal na ginanap nitong nagdaang Huwebes, Disyembre 27.
Tungkol ito sa naging desisyon ng MMFF jurors na hindi isama sa listahan ng mga nominado sina Aga Muhlach para sa pagka-best actor at Direk Dan Villegas for “Uninvited.”
Nandiyan din si Eugene Domingo na hindi rin isinama sa Best Supporting Actress category at si Jun Lana para naman sa pagka-best director para sa pelikula nilang “And The Breadwinner Is.”
Dinedma rin ang pangalan ni Carlo Aquino sa pagka-best actor para sa pelikulang “Hold Me Close.”
Baka Bet Mo: Alessandra aminadong maraming ‘arte’, hindi ipinagdasal ang kasikatan
May ibang hindi rin napasama sa nominasyon na ang katwiran daw ng mga hurado ay kinapos sa bilang ng boto para masama bilang nominee na base na rin sa report ni Ogie Diaz sa kanyang “Showbiz Update” YouTube channel nitong Disyembre 28.
Wala raw kuwestiyon kung pag-uusapan ang galing ng mga pangalang nabanggit pero binubuo ng 13 ang mga boboto at hindi naman lahat ay solido.
Anyway, tulad nga ng isinulat naming dito sa BANDERA ayon sa aming source ay, “Binago ang scoring. Nagpalit ng judging mechanics.”
Ito kaya ang dahilan kaya kinapos ang bilang ng boto ng mga nabanggit kaya hindi napasama sa mga nominado ang mga nabanggit na artista?
Sa pamumuno ni MMDA Chairman Atty. Don Artes katuwang ang Executive Director ng MMFF na si Atty. Rochelle Macapili-Ona, bumuo sila ng komite na siyang namili sa 10 kalahok na pelikula sa golden year ng filmfest.
Ang taunang Metro Manila Film Festival ay hawak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at sa pagkakatanda namin mula ng naging reporter kami ay ang pamamahala ni Atty. Artes ang nasaksihan naming maganda at maayos.
Napaka-low-key ni Chairman Artes, sa tuwing makakausap siya ng media ay mahinahon niyang ipinaliliwanag ang lahat ng gustong marinig na sagot ng lahat tungkol sa MMFF.
Sa pagdiriwang ng 50th year ng MMFF ay maraming activities si Chairman Artes at isa na nga riyan ang pa-golf tournament niya para magkaroon ng bonding ang lahat ng producers at artistang may entry ngayong taon.
Sa ginanap namang Parade of the Stars sa Maynila ay maganda rin kung paano nila pinresent ang lahat ng 10 entries sa publiko na nagsimula sa Kartilya ng Katipunan at nagtapos sa Central Post Office sa Liwasang Bonifacio.
Idagdag pa riyan ang naganap na “Konsyerto sa Palasyo” sa Malacañang Palace, Grand Mediacon and Fans Day sa Gateway at ang Parade of Stars Music Fest.
Ang isa pang hindi namin malilimutan noong panahon ng COVID-19 ay pinangunahan din MMDA ang pagbibigay ng libreng bakuna para sa media/movie workers sa pamamagitan ng spokesperson ng ahensya na si Noel Ferrer.
Malaking tulong ito dahil hindi naman lahat ay kayang i-accommodate sa mga pampublikong hospital.
Ang kaliwa’t kanang trapiko ayon kay Chairman Artes ay pilit naman nilang hinahanapan ng solusyon at isa na nga riyan ay ang carousel na kahit paano ay nakabawas sa bigat ng trapiko dahil hindi na nakikipaggitgitan ang mga bus sa EDSA dahil may sarili na silang lane.