TANGGAP na tanggap ni Sylvia Sanchez na mas magaling na artista kesa sa kanya ang premyado at kongresistang anak na si Arjo Atayde.
Hindi man nagwaging best actor si Cong. Arjo sa katatapos lamang na Metro Manila Film Festival 2024 Gabi ng Parangal, para na rin siyang nanalo sa dami ng mga pumupuri sa kanya dahil sa pagganap niya sa official entry nilang “Topakk.”
Kaya naman super proud si Sylvia bilang ina sa natatanggap na magandang review ng manonood sa ipinakitang portrayal ng anak bilang isang sundalo na umalis sa serbisyo dahil sa kanyang PTSD (post-traumatic stress disorder).
“Sobra akong proud. Sobrang proud na masasabi ko mas magaling sa akin anak ko. Sobra. As an actor, mas magaling siya sa akin. Nakita ko yun.
Baka Bet Mo: Aljur Abrenica tanggap na tanggap na ng pamilya ni AJ Raval; hindi pa rin umaamin kung totoong may anak na
“Mas malalim siya sa akin. Minana niya sa akin pero ang lalim ni Arjo. Basta, iba siya. Nagugulat ako. Saan galing yun? Saan galing yung pag-portray mo?” sabi ng premyado ring aktres sa panayam ng media sa naganap na MMFF 2024 Gabi ng Parangal.
Bukod kay Arjo, proud din siya sa dalawa pa niyang anak bilang co-producers ng unang pelikula nilang “Topakk”, “Si Gela and Ria, meron din yung binatbat, yung mga batang yun. Ang tatalino eh. Sila yung techie. Ako naman yung tatanga-tanga at nagtatanong, ‘Anak, ano nga ito ‘nak?’ Ha-hahaha! Sila yun.”
Samantala, nang dahil sa pagsali sa MMFF 2024 ng kanilang Nathan Studios “nasira” ang holiday schedule ng kanilang pamilya.
“Ginulo ng Metro Manila Film Festival! Ha-hahahaha! Nag-spend kami ng Christmas sa bahay ng biyenan. Dapat nandu’n na kami ng 10. Hindi ako nakatayo ng 10 p.m., 10:30 ako tumayo para pumunta sa bahay dahil sa sobrang pagod.
“Dumating kami du’n ng 11 p.m., may sakit pa yung apo ko, yung anak ni Z (Zanjoe Marudo) at saka ni Ria. So ang nangyari, inalagaan ko and at the same time, telepono ko may meeting hanggang 11:20 p.m. So hindi ako nakakain ng Noche Buena.
“Nu’ng gabing yun ang ginawa ko, niyakap ko na lang yung apo ko, hinalikan ko, at sabi ako nang sabi, ‘Akin na lang yung sakit mo’ the whole time. Yun pa lang masaya na ako.
“Kinabukasan, dapat meron kaming get together, buong Atayde party ng 3 p.m.. Hindi ko nagawa yun. Wala kami. First time yun. First time after 34 years. Ngayon lang kami hindi talaga nakasama du’n dahil sa Metro Manila Film Fest.
“Pero masaya ako and grateful lang. Actually after tonight, pahinga na ako. Sabi ko, ayoko na, pagod na ako. Kasi since June, July, ganito na ako, may JK (Juam Karlos Labajo, concert event) ako. After ni JK, mas tumindi na dito. So nonstop. Wala akong tulog,” tuluy-tuloy na pagbabahagi ni Ibyang.
Para kay Sylvia, hindi man sila nanalong Best Picture, feeling winner na rin sila sa magagandang komento ng mga manonood tungkol sa “Topakk.”
“Yun nga ang trophy namin. Sinabi na kami daw yung nagbago ngayon sa action. Binago daw namin yung action movie. Oh di ba, trophy na yun?
“Na kahit itong film festival, itong gabing ito, matatapos ito, hindi na ito pag-uusapan later on pero ang mananatili sa amin dito, ngayong gabi, hanggang 10 years from now, pag sinabi, ‘Paano nabago yung action sa Pilipinas?’ Nathan, Topakk ang nagbago. Okay yun di ba?” proud na sey ng aktres at producer.
Showing pa rin sa mga sinehan nationwide ang “Topakk” mula sa direksyon ni Richard Somes.